PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Ngayong Enero 20 na ang huling araw na itinakda ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa para sa renewal ng mga business permit at ang pagbabayad ng business taxes na walang pataw na multa batay sa ipinatutupad na ordinansa sa lungsod.
Kaugnay nito, pinalawig ng Tanggapan ng Ingat-Yaman ng lungsod ang kanilang officer hours mula alas otso ng umaga at magtatagal ito hanggang alas dose ng hating gabi.
Ayon kay Business Permit and Licensing Officer Maria Theresa V. Rodriguez, nagsimula ang Business One Stop Shop (BOSS) ng pamahalaang panlungsod noong pang Enero 2 at magtatapos ito ngayon Enero 20 para maka-renew at makabayad ng business taxes ang mga negosyante sa lungsod.

“Nagstart tayo mag-serve sa ating mga kababayan mula January 2, and it will end January 20 para makabayad ang mga kababayan natin ng walang penalty. This January 20, which is the last day na walang penalty ay tatanggap po ang city treasurers cash division ng payment hanggang alas dose,” pahayag ni Rodriquez
Enero 17 pa lamang ay nakapag-generate na ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng nasa 3,340 na mga business permits at inaasahang aabot ito ng 4,000 hanggang 4,500 ngayong araw.
Ayon pa kay Rodriguez, nasa 3,350 lamang na mga business permit ang kanilang naproseso noong nakaraan taon kung saan nakakolekta sila ng tinatayang mahigit P400 milyong buwis.
Simula naman Enero 21 ay magpapataw na ng multa ang City Treasurer’s Office sa mga bago pa lamang magpoproseso ng kanilang mga business permit at magbabayad ng buwis.

“Based in our Ordinance No. 794, 25 percent plus 1 percent in the succeeding months ang penalty na ipapatupad natin sa mga mahuhuling mag-process ng kanilang business permit,” dagdag na pahayag ni Rodriguez
Sinabi rin niya na dalawang klase ang mga binabayaran ng mga nagnenegosyo sa lungsod, ang business tax na napupunta sa Department of Finance na binabasehan din para sa Internal Revenue Allotment (IRA) ng mga barangay at ang regulatory fee, kung saan dito naman kinukuha ang mga pondong ginagamit ng pamahalaang panlungsod para sa mga proyekto at programa.
Hinihikayat naman ng tanggapan ni Rodriguez ang mga may negosyo sa lungsod na samantalahin ang huling araw ng BOSS na magrenew na ng kanilang business permit at magbayad ng buwis upang hindi sila mapatawan ng multa. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)