Oriental Mindoro, patuloy ang paglago ng turismo

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Patuloy ang paglago ng turismo sa probinsya ng Oriental Mindoro, ayon sa pinakahuling datos na nakalap ng Provincial Tourism Office (PTO) nitong nakalipas na buwan.

Ayon sa datos, tumaas ng 64.44% ang kabuuang bilang ng mga turistang nagbakasyon sa probinsya mula sa buwan ng Enero hanggang Oktubre. May bilang na 523,365 ang kasalukuyang nagbakasyon na sa probinsya, mas mataas kumpara sa kabuuang bilang ng turista para sa taong 2022.

Nangunguna pa rin ang South Korea sa may pinakamalaking bilang ng turista na bumisita sa lalawigan para sa buwan ng Oktubre; sinundan naman ito ng mga bansang France, Tsina, Estados Unidos, at Germany.

Ayon pa rin sa inilabas na Tourlista ng Department Of Tourism (DOT) Mimaropa para sa buwan ng Oktubre, nangunguna pa rin ang bayan ng Puerto Galera bilang pangunahing destinasyon ng mga manlalakbay o turista na bumibisita sa Oriental Mindoro.

Kaugnay naman nito, ang Minolo Port ang hinirang na pangunahing tourist attraction sa lalawigan na matatagpuan pa rin sa nasabing bayan.

Pasok din sa top 10 bilang bayan/siyudad sa rehiyon ng Mimaropa ang Puerto Galera sa mayroong pinakaraming turista na bumisita. Nakuha ng bayan ang ika-apat na pwesto na sinundan naman ng lungsod ng Calapan. Samantala, nanguna naman ang Puerto Princesa City sa probinsya ng Palawan sa buong rehiyon sa pagkakaroon na pinakamalaking bilang na turista na bumisita para sa buwan ng Oktubre.

Nakapagtala ang lalawigan sa kasalukuyan ng mahigit P3B na tourism receipts na inaasahang magiging malaking tulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa probinsya. (JJGS/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)

Topmost photo courtesy of Travel Oriental Mindoro

In other News
Skip to content