ORMECO, nangasiwa sa bidding para sa 41MW guaranteed dependable capacity power supply ng lalawigan

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Pinangasiwaan ng Oriental Mindoro Electric Cooperative (ORMECO) ang Competitive Selection Process (CSP) para sa bidding ng 41MW guaranteed dependable capacity power supply sa buong lalawigan na isinagawa kamakailan sa Oriental Mindoro Heritage Museum sa lungsod na ito.

Mula sa unang walong power contractors na nagpakita ng interes sa naturang proyekto na base sa isinagawang pre-bidding conference na ginanap sa tanggapan ng Ormeco noong Disyembre 2022, lima lamang ang pinalad na makapagsumite ng mga bid documents at ito ay ang Troika Giant Power Corporation, TCGR Energy Corporation, King Energy Generation, Inc., DMCI Power Corporation, Inc., at Terra Movers Development and Machineries Corporation.

Sa prosesong naganap, masusing siniyasat ng third party Bids and Awards Committee (BAC) ang mga kinakailangang dokumento ng limang lumahok upang tanghalin na nagwagi sa bidding.

Samantala, hindi pa rin naging pinal ang usapin dahil sa nakabinbin na ‘motion for reconsideration’ sa mga may kulang na ipinasang dokumento. Sa limang bidders, tanging ang King Energy Generation, Inc. at DMCI Power Corporation, Inc. lamang ang pumasa ngunit sa abstract of bids na inilabas, ang DMCI ang may pinakamababang bid ngunit hindi pa rin anya ito isinasapinal.

Sasailalim pa rin ang mananalong bidder sa tinatawag na ‘post-qualification’ para matiyak ang awtentisidad ng mga isinumiteng dokumento. Tanging layunin ng CSP ang makapagbigay ng sapat na daloy ng kuryente sa buong lalawigan ng Oriental Mindoro. (DN/PIA MIMAROPA)

Larawan sa itaas na kuha ng ORMECO

In other News
Skip to content