ORMECO, tumulong sa problema sa krisis ng kuryente sa lalawigan ng OccMdo

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — “Nakapagbahagi ng kuryente ang Oriental Mindoro Electric Cooperative (ORMECO) ng 2.2MW sa Magbay, San Jose at 3MW sa Tayamaan, Mamburao sa Occidental Mindoro mula sa naka-standby naming power resources at mataas na produksiyon ng renewable energy tulad ng hydro at wind power kaya nakapag-supply pa kami sa Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) nito lamang unang araw ng taon.”

Ito ang ipinahayag ni ORMECO General Manager, Engr. Humphrey Dolor mula sa kanyang tanggapan sa unang linggo ng trabaho ngayong taon.

Noon aniyang nakalipas na Disyembre 2022 ay nakakaranas ang Occidental Mindoro ng pito hanggang 14 na oras na brownout ayon kay OMECO Project Supervisor at Acting General Manager Cesar Faeldon, na batay na rin sa ulat ng power provider, ang Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation na hanggang Disyembre 29 na lamang ang itatagal ng supply ng krudo at kapos na rin aniya sa pondo na pambili ng karagdagang krudo upang patuloy na makapag-supply ng kuryente hanggang Enero 2023 dahil ang operasyon ng 10MW power plant na pinatatakbo ng National Power Corporation ay nagtapos na nitong Enero 1.

Dito na humingi ng tulong ang OMECO sa ORMECO na kung maari ay masuplayan ng surplus na kuryente na 69KV ang mga bayan ng Mamburao, Abra De Ilog, Paluan at Sta. Cruz.

Sa kasalukuyan, maganda ang daloy ng produksiyon ng enerhiya ng ORMECO sa lalawigan ng Oriental Mindoro dahil na rin sa 16.13MW na reserve na surplus nito at nakakatulong pa ang 7.12MW na naibabahagi sa OMECO bilang bahagi pa din ng reserbang enerhiya.

“Sa ngayon, ang ORMECO ay may kabuuang 66.05MW na produksiyon ng kuryente samantalang 49.92MW lamang ang kailangan ng Oriental Mindoro,” pagtatapos na mensahe ni Dolor. (DN/PIA-OrMin/PIO-OrMin)

Larawan sa itaas: File photo ni ORMECO General Manager Engr. Humphrey A. Dolor

In other News
Skip to content