LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Sa isinagawang ‘Dissemination Forum on 2022 Provincial Product Accounts (PPA), Province of Oriental Mindoro’ kamakailam na pinamunuan ng Philippine Statistics Authority (PSA) Oriental Mindoro, iniulat na sa limang lalawigan at isang Highly Urbanized City (HUC) sa Mimaropa, ang Oriental Mindoro ang ikalawang may malaking naiambag sa ekonomiya na may 27.8 porsiyento ng P392.96-B GDP sa buong rehiyon noong 2022 na sumunod sa lalawigan ng Palawan.
Sa ulat ni PSA Chief Statistical Specialist Efren Armonia, ang ekonomiya ng Oriental Mindoro ay nakapagtala ng pag-angat ng 8.2 porsiyento noong 2022, na kung saan bumilis ang paglago nito ng 6.6 porsiyento kumpara sa mga nakalipas na taon. Ang Gross Domestic Product (GDP) ng lalawigan ay tinatayang umabot sa P109.40-B noong 2022, na tumaas ng 5.1 porsiyento kumpara noong 2019 na pre-pandemic level.
Ayon kay Armonia, ilan sa mga pangunahing industriya ang larangan ng serbisyo ang nag-angat sa ekonomiya ng lalawigan na nag-ambag ng mahigit sa kalahati ng ekonomiya ng Oriental Mindoro na umabot sa 50.5 porsiyento na sinundan ng industriya na may 34.5 porsiyento, habang ang larangan ng agrikultura at pangisdaan ay nakapag-ambag ng 15 porsiyento.
Samantala, 16 sa larangan ng industriya ang nag-ambag sa 8.2 porsiyentong pagtaas sa GDP ng lalawigan ay ang hanay ng konstruksiyon na may 1.8 percentage points, wholesale and retail trade; pagkukumpuni ng mga sasakayan at motorsiklo na may 1.4 percentage points; at sa transportasyon at storage na may ambag na 1.2 percentage points. (DN/PIA Mimaropa-Oriental Mindoro)