LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Nagsagawa ng oryentasyon para sa programang Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD) sa bayan ng Naujan ang Department of Labor and Employment (DOLE) Mimaropa sa pamamagitan ng Public Employment Services Office (PESO) at sa pakikipag-ugnayan sa tanggapan ni Cong. Arnan C. Panaligan ng unang distrito at Pamahalaang Lokal ng Naujan.
Ang naturang aktibidad ay inilaan para sa 600 benepisyaryo ng TUPAD mula sa 30 barangay na pinangunahan ng kinatawan ng DOLE na si Senior Labor and Employment Officer Rameses Torres bilang paghahanda sa gaganaping apat na oras bawat araw na trabaho sa komunidad sa loob ng 10 araw ngayong Agosto 5-16, 2023.
Bawat isa ay makakatanggap ng P355 na minimum na sweldo kada araw o may kabuuang bilang na P3,550 para dagdag kabuhayan sa kanilang pamilya.
Maliban dito, tumanggap din ang mga benepisyaryo ng libreng uniporme na isusuot sa pagtatrabaho tulad ng damit at sombrero na may kasama pang sanitation kits at alcohol. (DN/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)