Our Lady of Antipolo na tinaguriang patron ng paglalakbay, nasa Albay

LEGAZPI CITY (PIA5/Albay) — Sinalubong ng mga deboto ang pagdating ang imahe ng international shrine of Our Lady of Antipolo o Our Lady of Peace and Good Voyage sa Bicol International Airport nitong Agosto 16.

Sa isinagawang press briefing, sinabi ng parish priest ng parokya na si Fr. Joseph Salando, na ito ang kauna-unahang pagkakataon na bumisita ang Our Lady of Antipolo sa lalawigan. Mananatili ang imahen sa Our Lady of Salvacion Parish, Joroan shrine sa bayan ng Tiwi hanggang Agosto 25.

Kasama rin ang imahen ng Jesus Nazareno de Quiapo na dinaragsa rin ng mga deboto mula sa iba’t-ibang panig ng bansa sa ginawang maritime procession para sa pagdiriwang ng kapiyestahan ni “Ina” o Nuestra Señora de Salvacion, Sabado Agosto, 19.

Samantala, dumating naman ang Poong Nazareno at nanatili sa naturang bayan mula Agosto 18 hanggang 28.


PAGDATING. Sinalubong ng mga deboto ang pilgrim image ng Our Lady of Antipolo sa Bicol International Airport sa Albay nitong Agosto 18, 2023.

Our Lady of Antipolo para sa mapayapang paglalakbay

Kwento ni Fr. Reynante Tolentino, Our Lady of Antipolo Parish administrator, taon 1626 nang dinala sa Pilipinas ni Gov. Gen. Niño Taborra ang imahe mula sa Acapulco Mexico.

Isinama ito sa pitong Manila-Acapulco galleon expeditions dahil sa di umanyo’y nagiging mapayapa ang kanilang paglalakbay.

Dahil dito, ang imahen ay tinaguriang Our Lady of Peace and Good Voyage at naging patrona ng mga manlalakbay, kasama na ang mga OFWs, migranteng pinoy at mga may-ari ng sasakyan.

“(Taon) 1650’s binigay sa kanya yung title na Our Lady of Peace and Good Voyage. Kapag kasama mo daw ang Mahal na Birhen mapayapa ang mga paglalakbay, saan ka man pupunta. Tested yun ng mga governor generals na sa dagat kapag kasama nila ang Our Lady of Antipolo, sila ay ligtas,” ani Tolentino.

Nito lamang Marso 25 ay idineklara ng Santo Papa ang Antipolo Cathedral National Shrine bilang international shrine. Ito ang kauna-unahang international shrine sa Southeast Asia at pangatlo sa Asia.

“At hanggang ngayon nga, yung original image ng Our Lady of Antipolo still present sa kanyang international stand. Ang isa sa devotion sa mahal na birhen ay blessing para sa mga sasakyan (at manlalakbay),” ayon kay Tolentino.


PAGHAHANDA | Ibinahagi ni Joroan Shrine parish priest Fr. Joseph Salando (nasa kanan) na naghahanda ang kanilang parokya at ang pamahalaang lokal ng Tiwi para sa kanilang petisyon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines na makilala at maideklara ang Joroan Shrine bilang National Shrine ng Our Lady of Salvation sa tulong ni Fr. Reynante Tolentino, Our Lady of Antipolo Parish administrator.

Pagsulong

Sa ngayon ay naghahanda rin ang Our Lady of Salvation Diocesan Shrine sa Joroan na maideklarang national shrine ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP)

Ani Salando, sa ngayon ay naghahanda ang kanilang parokya at ang pamahalaang lokal ng Tiwi para sa kanilang petisyon sa CBCP na makilala at maideklara ang Joroan Shrine bilang National Shrine ng Our Lady of Salvation.

Ayon kay Tiwi Mayor Jaime Villanueva, kasama sa paghahanda ang pagpapalawak ng mga daraanang kalsada at mini port, gayundin ang pagpapatayo ng iba pang kinakailangang imprastraktura.

Aniya, malaking tulong sa ekonomiya, turismo at kabuhayan ng kanilang komunidad sakaling maideklara ang Tiwi bilang national pilgrimage town. (CLM/SAA/PIA5/Albay)

In other News
Skip to content