LEGAZPI CITY, ALBAY (PIA) — Binigyang diin ng Overseas Welfare Workers Administration (OWWA) Bicol ang kahalagahan ng paghahanda at upskilling o upgrading ng kakayahan ng mga nagnanais maging overseas Filipino workers (OFWs) para sa mas magandang trabaho at opurtunidad.
“If you have skills, even if you’re a K-12 graduate there are lots of opportunities offered outside the country,” pahayag ni OWWA Bicol OIC Director Jenivie Diaz-Aguallo sa isinagawang presscon sa pagtatapos ng taong 2023.
“Sa ibang bansa, ang skills ay mas binibigyang priority kaysa educational attainment although advantage din ang may pinag-aralan. Kaya mahagala na may skills at mas i-upgrade pa ito para sa mas magnadang trabaho,” dagdag niya.
Pinaalalahan ni OWWA Bicol OIC Director Jenivie Diaz-Aguallo (gitna) ang mga OFWs at mga nagnanaisa magtrabaho sa ibang bansa na maging handa sa mga pagsubok at mag-upgrade ng kanilang kakayahan at kaalaman para sa mas magandang trabaho at oportunidad.
Aniya, mahalaga ang maging handa mentally, emotionally at physically upang makayanan ang mga pagsubok sa pagtatrabaho sa ibang bansa, lalo’t malayo sa sariling pamilya at mga mahal sa buhay. Kabilang na dito ang homesickness, language barrier at pagkakaiba ng kultura.
“Kadalasan, domestic workers ang umuuwi dahil sa homesickness. Yung iba naman dahil sa language barrier at pagkakaiba ng kultura. Sa Middle East, matataas talaga ang boses pag nagsasalita kaya akala mo galit sayo pero normal lang yun sa kanila,” pahayag ni Aguallo.
“Importante rin ang basic language kaya mahalagang pag-aralan, kahit ang basic terms sa pupuntahang bansa para maiwasan ang communication gap,” dagdag niya.
Isa sa mga programa ng OWWA ang Pre-Departure Orientation Program (PDOP) na layuning maihanda ang mga OFWs at kanilang pamilya. Malaki ang naitulong nito na mabawasan ang mga reklamong natatanggap ng OWWA mula sa 660 na kaso noong 2021 at 520 kaso nitong 2022.
“Common cases ng ating mga OFWs sa Bicol ang personal concerns kasama na ang hindi pagpapadal sa mga naiwang pamilya, unpaid salary, contract violation, mistreatment, delay sa pag-uwi at illegal recruitment,” pahayag ni OWWA Bicol labor communication officer Via Dometita.
Sakaling may reklamo sa kontrata, kailangang ito ay maipaabot agad sa Migrant Workers Office (MWO) habang ito ay nasa prescriptive period pa. Mahalaga rin na alam ng OFW at kanilang pamilya ang mga contact numbers ng OWWA, MWO at recruitment agency upang agarang maipaabot ang kanilang concerns.
Kasama rin sa illegal recruitment ang pagsisingil ng napakataas na placement fee. Ayon kay Dometita, tanging skilled workers lang ang nagbabayad ng placement fee. Hindi ito required para sa mga domestic workers dahil kanilang amo o recruitment agency ang nagbabayad ng transportation at iba pang logistics.
Dagdag niya, ngayong taon ay tumaas sa 263 participants ang dumaan sa PDOP kumpara sa 35 noong 2021.
Sa ngayon, balik normal na ang trabaho sa ibang bansa. Ayon kay Aguallo, ang limang pangunahing in-demand na trabaho ay seafarers, domestic workers, nurses, equipment operators, technicians at office assistants. (PIA5/Albay)