P15 minimum na pasahe sa mga tricycle sa lungsod ng Calapan, ipatutupad na

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Ipatutupad na sa lungsod na ito ang bagong minimum na pasahe sa mga tricycle na mula P10 ay magiging P15 na dahil na rin sa kahilingan ng grupong Federation of Drivers and Operators of Tricycles and Pedicabs (FEDOTRIP) bunsod sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo pati ang mga piyesa.

Tinugunan ito ng lokal na pamahalaan matapos ang isinagawang pampublikong pagdinig kasabay ng konsultasyon, rekomendasyon at ebalwasyon noong ika-12 ng Disyembre 2022 para maipasa ang City Ordinance No. 110, Series of 2022 na mas kilala bilang ‘Ordinance fixing the rate of tricycle fares in the city of Calapan and providing penalties for violations thereof.’


Ang bagong taripa na itinakda ayon sa City Ordinance No. 110 na dapat ay nakapaskil sa mga tricycle para makita ng mga pasahero. (Larawan kuha ng Tita Malou Flores-Morillo FB Page)

Base sa bagong taripa na itinakda ng batas, P15.00 ang minimum na pasahe sa unang dalawang kilometro ng biyahe at karagdagang piso sa bawat kilometro na itatakbo ng tricycle. Samantala, ang mga may kapansanan (PWD), Senior Citizens at mga estudyante ay pagkakalooban pa rin ng 20 porsiyentong diskwento alinsunod sa pambansang batas, alituntunin at regulasyon.

Ilan sa mga batas na nakapaloob dito ay bawal ang pangongontrata at paniningil ng labis sa mga pasahero, sasabihin ang nais ng drayber na halaga ng pasahe habang nasa biyahe, pagtangging magsakay ng pasahero lalo na kung ito ay matatanda o may kapansanan at ang hindi pagbibigay ng diskwento sa mga matatanda, PWD at estudyante.

Paalala naman sa mga pasahero, sakaling makaranas ng mga ganitong sitwasyon ay maaari itong ipagbigay alam sa tanggapan ng City Public Safety Department (CPSD) upang mapatawan ng kaukulang multa at kung sakaling lumabis pa sa tatlong paglabag ay maaaring kanselahin ang prangkisa ayon sa Tricycle Franchising and Regulatory Board (TFRB).

Ang City Ordinance No. 110 ay iniakda nina City Councilor, Atty. Jelina Maree D. Magsuci at Atty. Ricka Plata Goco na sinuportahan ng lahat ng konsehal ng Sangguniang Panlungsod. (DN/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content