SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Higit P157,000 halaga ng sub-standard products ang sinira kahapon ng Department of Trade and Industry sa Municipal Covered Court ng bayang ito.
Sa maikling programa bago ang naturang gawain ay ipinaliwanag ni DTI OIC-Provincial Director Nornita Guerrero, na ang pagwasak sa mga sub-standard product ay alinsunod sa Republic Act (RA) 7394 o Consumer Act of the Philippines. Ayon sa opisyal, bahagi ng kanilang mandato ang bigya ng proteksyon ang mga mamimili at kabilang dito ang pagtiyak na may magandang kalidad ang mga produktong ibinebenta sa mga establisimyentong pang-komersyo sa probinsya.
Sinabi ni Guerrero na banta sa kalusugan at kaligtasan ng publiko ang mga mababa o walang kalidad na produkto. Bagama’t maayos aniya kung titingnan ang panlabas na anyo ng mga sub-standard product, hindi tumatagal ang mga ito at maaari pang magdulot ng kapahamakan sa konsyumer. “Ang mga toilet bowl na nakumpiska natin ay maaaring mabiyak kapag ginamit samantalang ang mga sub-standard appliances ay posibleng pagmulan ng sunog,” saad ni Guerrero.
Pinaalalahanan naman ni Guerrero ang mga malalaking tindahan sa probinsya na tiyaking may Import Commodity Clearance (ICC) o Philippine Standard (PS) mark o sticker ang kanilang kinukuhang mga produkto. Aniya, sa ganitong paraan makatitiyak ang mga Micro Small and Medium Enterprises (MSME) na may magandang kalidad ang mga produktong kanilang ibinebenta.
Dagdag pa ni Guerrero, ipatutupad ng kanilang tanggapan ang penalty o parusang nakalaan sa mga tindahan na patuloy na hindi susunod sa RA 7394. Tiniyak din ng opisyal na magpapatuloy ang ginagawang monitoring ng kanilang tanggapan. (VND/PIA MIMAROPA/OCCIDENTAL MINDORO)
Pinangungunahan ni DTI OIC – Provincial Director Nornita Guerrero (ikalawa mula sa kanan) ang pagbubukas ng mga kahon na naglalaman ng substandard products. (PIA OccMdo)