Masaya naman itong tinanggap ng lokal na pamahalaan ng Odiongan sa pangunguna ni Mayor Trina Firmalo-Fabic na nagbigay ng gusali na paglalagyan ng mga kagamitan na ibinigay ng DTI. (PJF)
ODIONGAN, Romblon (PIA) — Pinasinayaan ngayong Biyernes, February 3, ang bagong shared service facility na handog ng Department of Trade and Industry (DTI) at lokal na pamahalaan ng Odiongan para sa Asosasyon ng mga magsasaka ng Cacao at Asosasyon ng magkakarne sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Pinangunahan ni DTI Mimaropa Regional Director Rodolfo Mariposque ang pagpapasinaya sa mahigit P2-million na proyekto na matatagpuan sa Odiongan Public Market.
“Hikayatin natin at i-promote ito na gamitin ng ating mga manufacturers. Patuloy na kayo ay isasama namin sa testing ng inyong product, katulad ng shield life testing, at iba pa,” hiling at pangako ni RD Mariposque sa mga magsasaka ng cacao.
“I hope doon magandang pakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan na suportahan ‘yung local product natin,” pahayag pa ni Mariposque.
Ayon sa DTI Romblon, nagkakahalaga ng halos P2M ang cacao processing at chocolate manufacturing center; habang mahigit P400,000 naman ang water purification system.
Masaya naman itong tinanggap ng lokal na pamahalaan ng Odiongan sa pangunguna ni Mayor Trina Firmalo-Fabic na nagbigay ng gusali na paglalagyan ng mga kagamitan na ibinigay ng DTI. Aniya, dumadating na ang kanyang pangarap na yumaman ang mga magsasaka sa Odiongan.
“Finally, ito po talaga ‘yung ating pangarap na ‘yung ating mga magsasaka ay yumaman at magkaroon ng maraming pera because they deserved it,” ayon sa alkalde.
Dagdag pa nito, mas mabuti umanong nai-process ang mga agricultural products bago ibenta dahil mas nadadagdagan ang halaga nito.
Ayon sa DTI, magagamit na ang shared service facility ng mga miyembro ng mga asosasyon maging ang mga may gustong iproseso sa lugar. (PJF/PIA Mimaropa)