P240K production equipment, ipinagkaloob ng DOLE sa San Jose

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Tumanggap kamakailan ng mga production equipment na may kabuuang halaga na P240,000 ang Nagkakaisang Samahan ng Mamamayan Para sa Kagalingan ng Pamayanan (Nagsamakapa) mula sa livelihood assistance program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa isang panayam, sinabi ni Konsehal Marlon Ramintas, Pangulo ng San Jose Alliance for the Barangay Concerns (ABC) at isa sa mga tagapayo ng Nagsamakapa, nabuo ang samahan noong 2012 sa ilalim ng Mindoro Biodiversity Conservation Foundation Inc., (MBCFI).

Ang MBCFI ay organisasyong katuwang sa pangangalaga at konserbasyon ng likas-yaman ng Mindoro na ang tanggapan ay matatagpuan sa lungsod ng Calapan, Oriental Mindoro.

Kwento ni Ramintas, ang mga kasapi ng Nagsamakapa ay mula sa 11 island barangays ng Occidental Mindoro na nag-aaral kung anu-ano ang pakinabang sa sineguelas o Spanish plum na ang mga puno ay nagkalat sa isla ng Ilin.

Saad ng opisyal, iminungkahi niyang dalawa kada barangay mula sa isla ang maging kasapi ng samahan at hindi tiningnan ang katayuan o trabaho ng mga kinatawan ng barangay, bagkus ay ang pagnanais makatulong sa layon ng samahan na mapaunlad ang kanilang pamayanan, sa pagkakataong ito, sa pamamagitan ng sineguelas.

“Noon kasi, sa isla kumukuha ng sineguelas upang dalhin sa Poblacion (San Jose), subalit dumating ang panahon na hindi na sulit ang byahe dahil ang baba ng presyo,” salaysay ni Ramintas.

Dahil sa mahinang demand at bagsak na halaga ng kanilang prutas, naisip ng Nagsamakapa na pag-aralan kung paano ipo-proseso ang mga ito.

“Taong 2017 nang ipakilala ng samahan ang Sineguelas wine, vinegar, jelly at jam,” ayon pa sa Konsehal.

Dahil seasonal o minsan lamang sa isang taon mamunga ang sineguelas, limitado ang produksyon ng samahan lalo pa at maliit lamang ang puhunan.

“Humingi ng tulong ang Nagsamakapa sa Public Employment Service Office (PESO) ng San Jose, upang magkaroon ng mga kagamitan at mapalaki ang produksyon ng suka at alak,” salaysay ni Ramintas.

Taong 2019, tumugon ang pamahalaan at nagkaloob ng tseke ang DOLE upang ipambili ng mga kagamitan. Gayunman, kinailangan pang dumaan ito sa bidding, hanggang tumama ang pandemya noong 2020 at pansamantalang natigil ang lahat ng aktibidad ng Nagsamakapa kasama na ang pagproseso ng kanilang kahilingan.

Nitong ika-9 ng Mayo 2023, tuluyang natanggap ng Nagsamakapa ang mga production equipment mula DOLE.

“Talagang nagalak ang mga kasapi dahil magpapatuloy na muli ang kanilang produksyon, lalo pa at natapat ito sa anihan ng siniguelas,” sabi ni Ramintas.

Sa tulong ng mga bagong equipment, target ngayon ng grupo na makagawa ng higit 1,000 bote ng alak at 2,000 bote ng suka.

Sinabi pa ng opisyal na inaasahang lalong sisigla ang pagtutulungan ng mga barangay sa pag-aani ng karamihan ng sineguelas sa isla at paggawa ng mga produkto mula rito.

“Kailangang i-proseso agad ang mga sineguelas dahil katulad ng ibang prutas, nabubulok ito pagkalipas ng limang araw,” ayon pa sa Konsehal.

Umaasa naman si Ramintas na marami pa ring local consumers ang tatangkilik sa pagbabalik ng mga produkto ng Nagsamakapa, at sa pamamagitan ng social media ay mapalaganap ang Sineguelas products at matulungan ang samahan na lumaki ang kita. (VND/PIA MIMAROPA)


Ipinagkakaloob ni DOLE OccMDo Provincial Director Peter James Cortazar (ikaapat mula sa kaliwa) ang mga production equipment na may kabuuang halaga na P240,000 sa Nagkakaisang Samahan ng Mamamayan Para sa Kagalingan ng Pamayanan (Nagsamakapa). Mga larawan mula sa MIO San Jose.

In other News
Skip to content