LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Nakatakdang tumanggap ng P27M na coconut processing facility ang Bongabong Coconut Farmers Multipurpose Cooperative (BOCOFAMCO).
Ito ay matapos ang isinagawang groundbreaking ceremony kamakailan ng itatayong pasilidad sa Brgy. Sagana, Bongabong.
Ang naturang proyekto ay napapailalim sa Coconut Farmers Industry Development Program-Shared Processing Facility (CFIDP-SPF).
Ang naturang pasilidad ay magiging kauna-unahang coconut processing facility sa lalawigan na nag poproseso ng white copra at cooking oil.
Inaasahan naman na nasa 1,500 coconut farmers na miyembro ng samahan ang makikinabang sa naturang proyekto.
Nakatakdang itayo ang P27M coconut processing facility sa Brgy. Sagana, Bongabong, Oriental Mindoro. (Larawn mula DA-PhilMech)
Nagbigay naman ng ilang mensahe si Senator Cynthia Villar na siya ring Chair of the Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform. Binigyang pagpupugay ng senadora ang lahat ng mga nagtulung-tulong upang maisakatuparan ang naturang proyekto, gayundin ang mga miyembro ng mga samahan na nakatakdang tumanggap ng naturang proyekto.
Inilahad din ni Villar ang ilan sa mga proyekto at programa mula sa Coconut Farmers and Industry Development Plan na inaasahang tutulong sa mga coconut farmers sa bansa.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ni BOCOFAMCO General Manager Reynaldo Malaluan sa lahat nga mga indibidwal at ahensiya na nagtutulung-tulong upang higit na maiangat ang estado ng coconut production sa probinsya, kabilang na rito ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) at Philippine Coconut Authority (PCA).
Dinaluhan naman ang naturang aktibidad nina Oriental Mindoro Vice Governor Ejay Falcon, at Carlo Umali bilang kinatawan ni 2nd District Representative Alfonso Umali, Jr. (JJGS/PIA MIMAROPA)