LUNGSOD NG OLONGAPO (PIA) – Mahigit 3.4 milyong piso ang nakolekta ng Social Security System o SSS sa isinagawang serye ng Run After Contribution Evaders o RACE sa lungsod ng Olongapo.
Mula ito sa 37 delinquent employers na binisita ng ahensiya simula Hulyo 2022 hanggang Agosto nitong taon.
Ayon kay Assistant Branch Head Renato A. Madera III, nakapagsagawa ang Olongapo Branch ng apat na RACE campaign sa lungsod simula noong nakaraang taon.
Base sa tala ng SSS Olongapo Branch, nakakoleta ng 1.3 milyong piso sa unang RACE noong Hulyo 2022; habang 1.1 milyong piso naman noong Abril; at 986,127.98 piso nitong Mayo.
Layunin ng RACE na paalalahanan ang mga delinquent employer na regular na magbayad ng kanilang kontribusyon at hindi para manakot o mamahiya.
Kaugnay nito, ibinahagi ni SSS Vice President for Luzon Central 2 Division Gloria Corazon Andrada ang mga programang iniaalok ng SSS upang matulungan ang mga employer na hindi nakapagbayad dahil sa epekto ng COVID-19 mula Marso 2020 hanggang Pebrero 2022.
Maaari aniyang bayaran ito sa pamamagitan ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program kung saan hindi na babayaran ang penalties at tanging ang principal at interes na lamang ang babayaran ng employer.
Samantala, para naman sa mga employer na hindi kayang bayaran ng buo ang principal amount, maaari nila itong bayaran sa pamamagitan ng installment payment scheme depende sa kanilang delinquencies.
Dagdag pa ni Andrada, maaari ring ipambayad ng employer ang kanyang properties na subject for appraisal.
Para naman sa mga delinquent employer pagkatapos ng pandemya, maaari rin silang mag-avail ng condonation program basta mapatunayan na sila ay nakapagtala ng pagkalugi at kawalan ng kita. (MJSC/RGP-PIA 3)
Iniulat ni Assistant Branch Head Renato A. Madera III ang resulta ng isinagawang apat na Run After Contribution Evaders o RACE ng Social Security System sa lungsod ng Olongapo. (Reia G. Pabelonia-PIA 3)