SANTA CRUZ, Marinduque (PIA) — Sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), tumanggap ng tulong pinansyal ang mga benepisyaryo mula sa tatlong barangay ng Polo, Maniwaya, at Mongpong sa bayan ng Santa Cruz, Marinduque.
Ayon kay Mayor Marisa Red-Martinez, ito ay bunga ng kanyang patuloy na pakikipag-uugnayan sa pamahalaang nasyunal na makakalap ng karampatang pondo para matulungan ang mga mamamayan na mabigyan ng ayudang magagamit pandagdag puhunan sa negosyo, pambili ng gamot at iba pang kailangan ng mga benepisyaryo lalong lalo na ang mga senior citizen, mga may sakit, PWD’s, scholars at iba pa.
Dagdag pa ng alkalde, umabot sa P7 milyon ang pondong inilaan ng Tanggapan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez para sa mga residente ng Santa Cruz sa pamamagitan ng AICS.
Ang Assistance to Individual in Crisis Situation ay ang pagbibigay ng financial assistance na maaaring gamitin sa medikal na pangangailangan, libing, transportasyon at pangkabuhayan ng mga mamamayan sa panahon ng krisis lalo na ang mga kabilang sa impormal na sektor at iba pang mahihirap, marginalized, bulnerable at disadvantaged na indibidwal.
“Nagpapasalamat po ako sa tulong pinansyal na ipinagkaloob sa akin ng pamahalaan na makatutulong sa akin para pandagdag sa pambili ng mga gamit sa pangingisda,” pahayag ni Samuel Pielago, residente ng Barangay Maniwaya.
Ang mga benepisyaryo mula sa nabanggit na mga barangay ay tumanggap ng P3,000 bawat isa. (RAMJR/IJPP/PIA-MIMAROPA)