P353-M Passenger Terminal Building sa pantalan ng Calapan, malapit ng buksan


Makikita sa larawan ang ilang bagong pasilidad na makikita sa loob ng bagong Port Terminal Building na matatagpuan sa pantalan ng Calapan na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng P353M. (larawan kuha ng PPA PMO Mimdoro)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Inanunsiyo kamakailan ng Philippine Ports Authority (PPA) na nakatakda ng buksan ngayong buwan ng Marso ang moderno at bagong Passenger Terminal Building (PTB) sa pantalan ng Calapan na nagkakahalaga ng P353 milyon.

Noong Enero 10, binisita ito ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Maritime Sector Elmer Sarmiento at ni PPA General Manager Jay Santiago upang alamin ang estado ng istraktura ng gusali gayundin ang mga pasilidad kung ang mga ito ba ay sumusunod sa mga panuntunang pang-kaligtasan.

Sa pahayag ni Santiago, sinabi nito na “Ito ang pinakamalaking PTB sa buong bansa na may modernong kagamitan tulad ng elevator, escalator, silid dalanginan, breastfeeding station, children’s playroom at silid gamutan na maaring gamitin at ito’y malaking ginhawa sa mga pasahero.”

Dagdag pa ni Santiago, kinokonsidera nila ang dami ng mga pasahero na nagmula sa Calapan at buong lalawigan pati mga galing ng Visayas at Mindanao kaya kailangan anya ng ganito kalaking terminal na kayang umukupa ng 3,500 pasahero anumang oras.

Ayon naman kay PPA Port Management Office (PMO) – Mindoro Port Manager Engr. Elvis Medalla, “Para talaga ito sa mga pasahero ng Calapan Port, nararapat lamang na bigyan natin sila ng kalidad na serbisyo at world class facility na maari nilang magamit habang naghihintay ng kanilang biyahe.”

Samantala, tinatayang matatapos ang proyekto sa darating na Pebrero 18, 2023, katumbas ng 720 araw o dalawang taon mula ng magsimula ang konstruksiyon. (DN/PIA-OrMin/LTC-PIA-OrMin)

Larawan sa itaas: Kuha ng PPA PPO Mindoro

In other News
Skip to content