P4.5M water system project sa Cotabato mapakikinabangan na

PRESIDENT ROXAS, Cotabato Province (PIA) — Mapakikinabangan na ng mga residente sa malalayong barangay ng Lama-lama at Greenhills sa President Roxas ang P4.5 milyong halaga ng water system project na ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan.

Base sa datos ng probinsya, mula sa nasabing halaga ng proyekto, P2 milyong halaga ang ibinigay na pondo sa Barangay Lama-lama samantalang P2.5 milyong halaga naman sa Barangay Greenhills. Dagdag pa dito, abot sa kabuuang 392 kabahayan ang maseserbisyuhan ng dalawang proyekto.

Kaugnay nito, nagpaabot ng kanilang pasasalamat sina Barangay Lama-lama chairman Ariel Ante at Barangay Greenhills chairman Edgar Siva sa pamahalaang panlalawigan sa pagpapatupad ng proyektong lubos na makatutulong sa kanilang nasasakupan.

Nagpahayag ng kasiyahan ang dalawang opisyal ngayong magkakaroon na ng mapagkukunan ng malinis na maiinom na tubig ang mga residente sa mga nabanggit na barangay.

Binigyang-diin naman ni Governor Emmylou Mendoza na nagpapatuloy ang pamahalaang panlalawigan sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan. Aniya, naka-angkla sa adbokasiyang serbisyong totoo ang pagpapatupad ng mga proyekto sa probinsya. (With reports from IDCD-PGO)

In other News
Skip to content