Ang Mobile Wash na binili ng Pamahalaang Panlalawigan sa halagang P4.9 milyon ay malaki ang maitutulong sa mga lumikas sa panahon ng kalamidad. May kasama itong water refilling station at tatlong rest rooms. (VND/PIA-OccMin) (Mga larawang kuha ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office)
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Dumating kamakailan sa Kapitolyo sa Mamburao ang Mobile Wash na binili ng Pamahalaang Panlalawigan sa halagang P4.9 milyon.
Ang Mobile Wash, ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction Management (PDRRM) Officer Mario Mulingbayan ay malaking tulong sa pagbibigay-serbisyo sa evacuees ng probinsya sa panahon ng kalamidad.
Mula sa Gender and Development Fund ng probinsya ang pondo na ginamit pambili para sa naturang kagamitan.
Kumpara sa mga ordinaryong portable toilet, ang bagong dating na Mobile Wash ay may tatlong rest room at may kasamang mobile water refilling station. Sinabi ni Mulingbayan na malaking bagay ito upang matugunan ang karaniwang problema sa mga evacuation site gaya ng kakapusan sa malinis na tubig at kakulangan sa magagamit na banyo ng mga lumikas.
Ayon pa ng opisyal, kapag hindi malinis ang tubig na maiinom sa mga evacuation center, posible na may makuhang sakit ang mga lumikas tulad ng pagtatae at iba pa.
Ang Mobile Wash ng probinsya ay kaunaunahan sa rehiyong Mimaropa ayon sa PDRRMO. (VND/PIA Mimaropa-OccMin)
Larawan sa itaas mula sa PDRRMO