LUCENA CITY (PIA) — Aabot sa P5-milyong halaga ng tulong ang naipagkaloob na ng Department of Labor and Employment (DOLE) Quezon Provincial Office sa mahigit 253 magulang ng mga child laborers sa lalawigan mula sa taong 2019 hanggang sa unang semestre ng taong 2023.
Ito ang inihayag ni Kim Daren Pabelonia, child labor focal person ng DOLE Quezon sa pagpupulong ng Provincial Council for the Protection of Children (PCPC) nitong Biyernes, Setyembre 22.
Ayon pa kay Pabelonia, kabilang sa mga tulong na ipinagkaloob ng DOLE sa mga magulang ng child laborers ay sari-sari store, bigasan projects, farm implements, street food vending, at negosyo carts.
“Ang mga tulong pong ito na ipinagkaloob ng DOLE ay bahagi ng child labor prevention and elimination program ng DOLE,” ani Pabelonia
Samantala, sinabi rin ni Pabelonia na base sa survey noong taong 2018 hanggang 2022, may 15,347 profiled child laborer sa lalawigan ng Quezon kung kaya’t mas pinaigting pa nila ang kampanya laban sa child labor sa lalawigan.
Sinabi naman ni Assistant Provincial Social Welfare and Development Officer Norliza Labitigan na aprubado na ang Enhanced Provincial Code for the Welfare of Children noon pang Agosto 25, 2023 kung saan ay nakasaad dito ang mga polisiya para sa ibayong pagpapalakas ng mga programa sa pagbibigay proteksiyon sa mga bata.
“Hinihikayat ko din po ang ating mga ahensiyang miyembro ng PCPC na magsumite ng mga nagawang programa kada kwarter upang higit pa nating malakas ang kampanya laban sa child labor,” ani Labitigan (Ruel Orinday-PIA Quezon)
P5-M tulong sa mga magulang ng child laborers sa Quezon, ipinagkaloob ng DOLE
By Ruel Orinday
