Ang bagong tayong socio-civic center sa Orani, Bataan na itinayo sa pondo ng PAGCOR.
ORANI, BATAAN – Pormal nang binuksan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang bagong dalawang-palapag na socio-civic center sa bayang ito noong Miyerkules, Marso 12.
Ang P50-milyong pasilidad ay itinayo gamit ang pondo ng PAGCOR upang matugunan ang kakulangan sa silid-aralan ng Governor Efren B. Pascual Sr. Orani Integrated Central School (GEPS-OICS).
Ayon kay GEPS-OICS Principal Ariel Valencia, mahigit 1,200 estudyante ang kasalukuyang naka-enrol sa paaralan, kaya’t matagal nang problema ang kakulangan ng classrooms.
“Malaking tulong ang PAGCOR Socio-Civic Center sa aming paaralan. Dito muna nagkaklase ang mga estudyante ng Grade 11 at Grade 12, kaya mas maayos at komportable silang natututo,” ani Valencia.
Ayon naman kay Grade 11 teacher Arianne Cruz, dahil sa bagong gusali ng PAGCOR ay hindi na nila kailangang magsagawa ng klase sa mga improvised classrooms.
“Dati, sa court o sa mga silong lang kami nagkaklase. Pero ngayon, may maayos at ligtas nang silid-aralan ang mga estudyante,” ani Cruz.
Pinangunahan ni PAGCOR Vice President for Corporate Social Responsibility Group Ramon Stephen Villaflor at Orani Mayor Efren Pascual Jr. ang inagurasyon ng gusali.
Ayon kay Villaflor, malaki ang maitutulong ng proyekto sa mga mag-aaral at sa buong komunidad.
“Ang socio-civic center na ito ay nagsisilbing silid-aralan para sa mga kabataang Orani, kaya mas magiging maganda ang kanilang edukasyon. Naging posible ito dahil sa matibay na ugnayan ng PAGCOR at lokal na pamahalaan,” aniya.
Nagpasalamat naman si Mayor Pascual sa PAGCOR sa ipinagkaloob na pasilidad, na maaari ring gamitin bilang evacuation center at venue para sa iba pang community activities.
“Hindi lang ito isang evacuation building kundi isang pasilidad na makakatulong sa pagpapaunlad ng bayan. Ngayon pa lang, napapakinabangan na ito ng ating mga estudyante bilang dagdag na classrooms,” ani Pascual.
Sa ngayon, nakapagtayo na ang PAGCOR ng 47 socio-civic centers sa buong bansa, habang 24 pa ang kasalukuyang ginagawa.