Pag-aalaga ng kambing ang napiling kabuhayan ng Bigkis Farmer’s Association at ang halagang P50,000 na iginawad ng Kapitolyo sa samahan ay ipinambili ng 20 kambing. Mga larawan mula sa PIO Occidental Mindoro
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Kabuuang P50,000 na livelihood assistance ang ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan sa Bigkis Farmer’s Association, isang samahan ng mga katutubo mula sa Brgy. Alacaac, Sta Cruz.
Ayon kay Rowena Tiuzen ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), dumulog ang nasabing samahan sa tanggapan ni Governor Eduardo Gadiano upang humingi ng tulong pangkabuhayan.
Ayon kay Tiuzen, pag-aalaga ng kambing ang napiling kabuhayan ng mga ito kung kaya’t ang halagang P50,000 na iginawad ng Kapitolyo ay ipinambili ng 20 kambing. “Sinamahan natin ang mga benepisyaryo upang matiyak na may matatanggap silang mga barako at dumalagang kambing,” saad ni Tiuzen.
Sinabi rin ni Tiuzen na malinaw ang plano ng mga katutubo, pararamihin ang mga kambing na maaaring ibenta kinalaunan. Aniya, kasama sa kasunduan ng samahan na magtatalaga sila ng mga kasapi na mag-aalaga at magbabantay sa mga kambing araw-araw.
Isa pang tanggapan sa Kapitolyo ang tumutulong sa mga benepisyaryo upang mas matiyak na magiging sustainable ang programa. Nabatid kay Tiuzen na nagbigay na din ng livelihood assistance ang Provincial Agriculture Office sa pamamagitan ng mga pananim na gulay na pangunahing pagkukunan ng pagkain ng samahan.
Dagdag pa ni Tiuzen, sa kasalukuyan ay may nakapila pang mga indibidwal at samahan na natukoy nilang nangangailangan at makatatanggap rin ng tulong matapos i-proseso ang kanilang mga kahilingan. Ayon pa sa kawani ng PSWDO, ang mga nais lumapit at humingi ng tulong kay Gov. Gadiano ay kailangang gumawa ng liham at isumite ito sa mismong tanggapan ng Gobernador. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)