SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Nagkaloob kamakailan ang Department of Agriculture-Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (DA-Philmec) ng mga makinaryang pansaka ng palay na nagkakahalaga ng P96 milyon, sa mga magsasaka ng lalawigan, sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) – Mechanization Component.
Ang RCEF ay nalikha sa pamamagitan ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law, na naglalayong matiyak ang kasapatan ng pagkain sa bansa at itaas ang kakayahan ng sektor-agrikultura, lalo na ang mga magsasaka ng palay, na makasabay sa kompetisyong dala ng rice trade liberalization.
Ipinagkakaloob ng Department of Agriculture-Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (DA-Philmec) ng mga makinaryang pansaka ng palay, sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) – Mechanization Component. (PIO OccMdo)
Ayon kay Niño Bengosta ng PhilMec, taong 2019 nang magsimula ang programa ng RCEF, at bahagi ng pondong ito, na mula sa mga ipinataw na buwis sa imported rice, ay ginagamit upang mabigyan ng kinakailangang ayuda ang mga magsasaka ng palay sa bansa.
“May apat na components ang RCEF, ang lending, seed, training, at farm mechanization” ani Bengosta. Tinutugunan ng PhilMec ang pangangailangan ng mga magsasaka na magkaroon ng mga makabagong makinarya na makatutulong upang bumaba ang gastusin nito sa produksyon at sa gayon ay madagdagan ang kinikita.
“Nagkakaloob tayo ng iba’t ibang makinarya na gamit mula sa paghahanda ng lupa ng ating mga magsasaka hanggang sa pagkatapos umani,” paliwanag ni Bengosta. Kabilang aniya sa mga makinaryang ibinibigay sa mga benepisyaryo ang traktora at floating tillers na gamit sa paghahanda ng lupa, combine harvester para sa pag-aani, at post-harvest facilities tulad ng rice mill na gumigiling sa mga palay para lumabas ang bigas. “Nagkaloob din tayo ng 19 na unit ng rice mill sa iba’t ibang bayan sa probinsya na sa ngayon ay kailangan na lang sumailalim sa testing at commissioning,” dagdag pa ni Bengosta.
Nilinaw naman ni Bengosta na ang mga tulong na ito ng PhilMec ay iginagawad sa mga kooperatiba o samahan ng mga magsasaka. Aniya, itinatakda ng RCEF na ang benepisyaryo ng programa ay kailangan na lehitimong samahan ng mga magpapalay, akreditado ng Department of Agriculture (DA), at may lupang sakahan na 50 ektarya o higit pa. May kakayahan din dapat ang samahan na pangalagaan ang mga matatanggap na makinarya at handang tumalima sa mga patakaran at layon ng programa.
Payo pa ni Bengosta sa mga interesadong kooperatiba at samahan, na sakaling nais maging benepisyaryo ng RCEF, ay agad makipag-ugnayan sa kanilang Municipal Agriculturist Office (MAO). (VND/PIA MIMAROPA)
Larawan sa taas ay mula sa PIO Occidental Mindoro.