PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Binisita nina at Philippine Coast Guard (PCG) Commandant, Coast Guard Admiral Artemio Abu, at Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Maritime Affairs Elmer Sarmiento ang Pag-Asa Island sa bayan ng Kalayaan sa West Philippine Sea nitong Mayo 1.
Sa kanilang pagbisita ay kinumusta nila ang kalagayan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard na naka-destino sa isla, gayundin ang mga tauhan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at ng Pambansang Pulisya.
Sa kanilang pakikipag-usap sa mga ito, ipinahayag ni Sarmiento ang taos-pusong pasasalamat sa malugod na pagtanggap sa kanila, lalo na ng mga residente ng Pag-asa Island.
Sinabi ni Sarmiento na nagpapasalamat siya sa mga mamamayan ng Pag-asa dahil ang presensiya aniya ng mga ito sa isla ay sumisimbolo at nagpapatunay na ang nasabing lugar ay nasa teritoryo ng Pilipinas at ito ay pag-aari natin.
Pinuri naman ni Abu ang pagbabayanihan at pagkakaisa sa hanay ng PCG, Armed Forces of the Philippines (AFP), at PNP na masayang nagtatrabaho para sa bansa.
Hinikayat din ni Abu ang mga miyemro ng PCG, AFP at PNP na ipagpatuloy ng mga ito ang magandang samahan kasama ang mga mamamayan ng Pag-asa Island, dahil nandoon aniya ang mga ito sa magkaparehong hangarin, ang masiguro ang territorial integrity ng ating bansa.
Namahagi din sila ng regalo sa mga kabataan sa isla, kasama si dating Department of the Interior and Local Government Sec. Rafael Alunan III at PCG Deputy Chief of Coast Guard Staff for Logistics, Commodore Geoffrey Espaldon. (OCJ/PIA-Palawan at may kasamang ulat mula sa PCG)
Si Philippine Coast Guard (PCG) Commandant, Coast Guard Admiral Artemio Abu ay namamahagi ng regalo sa mga bata sa Isla ng Pag-asa sa bayan ng Kalayaan sa west Philippine Sea (WPS) ng bumisita sya sa isla kasama si Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Maritime Affairs Elmer Sarmiento kamakailan. (Mga lawaran mula sa PCG)