Pag-IBIG Fund-Dagupan Branch nagdaos ng forum para sa mga employers at fund coordinators

LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Idinaos muli ng Pag-IBIG Fund-Dagupan Branch nitong Martes sa Dagupan Village Hotel sa lungsod ng Dagupan ang Employers’ and Fund Coordinators’ Forum pagkatapos ng tatlong taong pahinga dulot ng COVID-19 pandemic.

Dinaluhan ito ng mahigit 100 employers at fund coordinators sa ilalim ng Pag-IBIG Fund-Dagupan Branch.

Ayon kay Corina Calaguin, branch head ng Pag-IBIG Fund-Dagupan, “This is a yearly activity of Pag-IBIG Fund to recognize the effort of its representatives and fund coordinators for their commitment to helping bring services to its members.”

Ani Calaguin, nais din ng kanilang sangay na maging updated ang kanilang mga miyembro sa kasalukuyang estado ng Pag-IBIG Fund.

Aniya, nasa 114, 385 ang aktibong miyembro ng Pag-IBIG Fund sa Dagupan Branch mula noong Oktubre 2023 na katumbas ng P567.99 milyon na member’s savings.

Dagdag pa ni Calaguin, “Gusto rin natin na lahat ng pamilyang Pilipino ay magkaroon ng sariling bahay, kaya nandito ang Pag-IBIG Fund para tumulong. Dito sa Dagupan, nakapaglaan na tayo ng P152 milyon as of October 2023 equivalent to almost 80 families na nakapag-avail ng housing loan.”

Kabilang din sa mga tinalakay sa forum ang mga benepisyo ng Pag-IBIG Loyalty Card, Pag-IBIG Loans, Pag-IBIG virtual application, at Fund’s Modified Pag-IBIG II savings o MP2.

Matapos ang talakayan, nagsagawa ng open forum ang Pag-IBIG Fund-Dagupan upang tugunan ang mga katanungan at alalahanin ng mga fund coordinators.

Samantala, inilunsad na rin ng Pag-IBIG Fund-Dagupan ang Multi-Purpose Loan (MPL) raffle promo bilang pasasalamat sa mga miyembro na nag-avail at nag-apply para sa MPL.

Aniya, tatlo ang maaaring mag-uwi ng P10,000 papremyo at tig-tatlo rin ang maaaring makakuha ng P7,500 at P5,000 sa nasabing raffle.

Gayundin, 15 katao ang mabubunot sa Disyembre 14, 2023 para sa consolation prize na P1,000 bawat isa. (JCR/AMB/JCDR/PIA Pangasinan)

In other News
Skip to content