PAGBILAO, Quezon (PIA) — Patuloy ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Quezon District Jail sa pagbisita sa mga paaralan sa Pagbilao upang magpalaganap ng kaalaman patungkol sa mga batas at programa ng pamahalaan na nakasentro sa pag-iwas sa droga, pagsugpo sa karahasan sa mga kababaihan at iba pa.
Kamakailan ay mahigit 300 mag-aaral mula ng junior at senior high school kasama ang ilang mga guro mula sa Pagbilao Academy ang lumahok sa “5-in-1 Learning and Growth Seminar” na pinangunhanan ni Jail Officer Joefrie B. Anglo, hepe ng community relations service unit ng BJMP Quezon District Jail.
Dito ay detalyadong tinalakay ni JO2 Anglo ang RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children (VAWC), Anti-Hazing Act of 1995, Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan o BIDA Program, National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at Penology Profession, para na rin sa kabatiran at kapakanan ng mga mag-aaral na kabataan.
Kasama ni Anglo sa pagbabahagi ng makabuluhang programang ito ang mga Jail Officer Trainees ng BJMP na sina JO1/T Ryan Christian P. Sayago at JO1/T Ariel D. Espela Jr., sa ilalim ng direktang patnubay at superbisyon ni Assistant Warden Jail Inspector Nelson B. Sardea. (Ruel Orinday, PIA Quezon)