BATANGAS CITY (PIA) — Mas pinaigting pa ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang mga programa nito pagdating sa wastong pangangasiwa ng basura sa pamamagitan ng pagbalangkas ng solid waste management plan nito para sa susunod na 10 taon.
Sa pagpaplano na pinangunahan ng Batangas City Environment and Natural Resources Office kamakailan ay inilatag nito ang mga programa at proyekto na layong mabawasan ang dami ng basura na nakokolekta sa mga kabahayan at itinatapon sa landfill mula taong 2025 hanggang 2034.
Nakasentro rin sa pagpapalakas ng waste diversion o recycling ang binalangkas nitong solid waste management plan, ayon sa pamahalaang lungsod.
Ilan sa mga nakapaloob na programa at aktibidad ay ang pagpapalawak sa Ka-BRAD (Katuwang ng Barangay Responsable Aktibo Disiplinado) program, pagpapalawak ng operasyon ng mga Materials Recovery Facility sa 105 barangay, at partisipasyon ng lahat ng sektor sa komunidad, at mas maigting na pagpapatupad ng mga ordinansa pagdating sa solid waste management.
Kabilang din sa plano ang pagkakaroon ng mga bagong istratehiya para sa pagpapalaganap ng impormasyon patungkol sa wastong pangangasiwa ng basura, pagpapatupad ng economic incentives para mas mahikayat ang kooperasyon ng mga mamamayan at pakikipagtuwang sa pribadong kumpanya para sa mga waste reduction initiatives.
Katuwang ng pamahalaang lungsod ang Philippine League of Local Environment and Natural Resources Officers Incorporated sa paglalatag ng nasabing plano na pinangunahan ng Execitive Director nito na si Director Danilo Villas, Honorary Member Erlinda Cuenca, at ang Environment Consultant na si Techie Rentoy. (BPDC)
Pagbawas sa basura, recycling, sentro ng 10-year solid waste mgmt plan ng Batangas City gov’t
By Mamerta De Castro
