LUCENA CITY (PIA) — Mas palalakasin pa ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang mga programa nito sa pagbibigay proteksiyon sa mga bata sa lalawigan.
Ito ang isa sa mga pangunahing tinalakay ng Quezon Provincial Council for the Protection of Children (PCPC) kamakailan kung saan inilahad ng konseho ang mga programa at proyekto nito upang maisulong ang karapatan at kapakanan ng mga batang Quezonian.
Kabilang sa mga tinututukan ngayon ng konseho ay ang kapakanan ng mga bata pagdating sa nutrisyon at kalusugan, gayundin ang early child development programs tulad ng pagbibigay ng maayos na edukasyon.
Ayon sa PCPC, makatutulong din ang mga ito upang magkaroon ng pagkakataong mahubog ang kanilang mga kakayanan at kaalaman na maibabahagi nila sa lipunan.
Sinabi ni Provincial Administrator Manuel Butardo na nakapaloob ang mga ito sa Executive Order No. DHT-35 na nilagdaan ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan noong Nobyembre 2022.
Kasama rin sa nilagdaang kautusan ang mga programa ng bawa’t ahensiyang kasapi ng PCPC upang mapalakas pa ang mga programa sa pagbibigay proteksiyon sa mga bata saa lalawigan.
Pangunahing layunin ng PCPC na mapalakas ang proteksiyon ng mga bata sa lalawigan na dumadanas ng pang-aabuso, kapabayaan, kalupitan, diskriminasyon, at iba pa.
Samantala, inilahad ni BM Vinette Alcala na nagsisikap ang pamahalaang panlalawigan katuwang ang iba’t ibang grupo at ahensya na magkaroon ng Bahay Pag-asa sa lalawigan para patuloy na matulungan ang mga batang Quezonian. (Ruel Orinday, PIA Quezon)