BATANGAS CITY (PIA) — Sinimulan na ng Batangas City Youth Development Council (YDC) ang pagbalangkas sa youth development plan na tutugon sa pangangailangan at kapakanan ng mga kabataan sa lungsod para sa susunod na tatlong taon.
Iniulat ng Batangas City Public Information Office na isang pagsasanay ang isinagawa ng Batangas City YDC kamakailan katuwang ang Local Youth Development Office (LYDO) ukol sa pagbuo ng nasabing plano.
Nakasentro ang youth development plan sa pagbibigay proteksyon at pangangalaga sa pangkalahatang kapakanan ng mga kabataang Batangueño gayundin ang kanilang pag-unlad at pagsusulong sa youth empowerment.
Dagdag pa ng Batangas City PIO, ang mga hakbang na ito ay upang ihanda ang mga kabataan sa kanilang mahalagang papel na gagampanan sa pagbuo ng isang maunlad at matatag na bansa.
Nakabatay sa Philippine Youth Development Plan 2023-2028 ang pagbuo nito kung saan nabibilang ang health, education, economic empowerment, social inclusion at equity, peace building at security, governance, active citizenship, environment, global mobility at agriculture sa mga prayoridad nito.
Nakatakda namang magbalangkas ng resolusyon ang Batangas City YDC upang mai-endorso sa Sangguniang Panlungsod at maipasa ang youth development plan bilang ganap na ordinansa.
Ang plano ay magsisilbing batayan ng Sangguniang Kabataan upang makabuo sila ng three-year comprehensive barangay youth development plan.
Nagsilbing tagapagsalita at trainor si LYD Officer Nel Magbanua, Accredited Training Manager mula sa National Youth Commission.
Ang Batangas City YDC ay pinamumunuan ni SK Federation President Marcus Castillo at pinamahaalan naman ng LYDO ang nasabing pagsasanay. (BPDC/FSC)
Pagbibigay proteksyon, pagsusulong sa kapakanan ng kabataan, sentro ng Batangas City youth dev’t plan
By Mamerta De Castro
