Pagbisita ng mga cruise ship sa Puerto Princesa at Palawan, muling nagbabalik

Pagbisita ng mga cruise ship sa Puerto Princesa at Palawan, muling nagbabalik

 

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Matapos ang halos tatlong taon dahil sa pandemya ay muling nagbabalik ang pagbisita ng mga international cruise ship sa lungsod at lalawigan.

Nitong Pebrero 9, 2023, dumaong sa cruise ship port ng lungsod ang MV Seabourn Encore kung saan pinangunahan ni Mayor Lucilo R. Bayron kasama sina Department of Tourism (DOT)-MIMAROPA Regional Director Azucena C. Pallugna at Philippine Ports Authority Port Manager Elizalde Ulson ang pagsalubong sa mga sakay nito.

Ayon sa impormasyong ibinahagi ng Tanggapan ng Punong Lungod, sakay ng nasabing cruise ship ang nasa 512 na mga pasahero at 482 crew na mainit na sinalubong at tinanggap ng pamahalaang panlungsod sa pamamagitan ng cultural dances.

Pinuntahan naman ng mga turistang sakay ng nasabing barko ang mga bantog na pasyalan sa lungsod tulad ng Puerto Princesa Underground River, Honda Bay islands, Palawan Heritage Center at iba pa.

Ang MV Seabourn Encore ang pinakaunang cruise ship na dumaong sa Palawan pagkalipas ng pandemya kung saan ang pagbisita nito ay nagpapalakas ng industriya ng turismo ng lungsod at lalawigan.

Matapos ang pagbisita nito sa Puerto Princesa City sa loob ng halos siyam na oras ay tumungo rin ito sa Bayan ng Coron.

Ayon sa Department of Tourism (DOT)-MIMAROPA, inaasahan may 21 pang cruise ship ang bibisita sa lungsod at lalawigan ngayong taon.  (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Larawan sa itaas mula sa DOT-MIMAROPA


Isa ang Palawan Heritage Center sa mga lugar na bibisita ng mga turista na sakay ng Internationl Cruise Ship na MV Seabourne Encore na dumaong sa cruise ship port ng Lungsod ng Puerto Princesa nitong Pebrero 9, 2023. (Larawan mula sa PIO-Palawan)

In other News
Skip to content