Pagbuo ng 8 na munisipalidad sa North Cotabato, inaprubahan ng BTA parliament

LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Aprubado na ng mga miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) parliament ang mga panukalang batas na bubuo sa walong mga bagong munisipalidad na binubuo ng 63 na mga barangay mula sa North Cotabato na nakapaloob sa Special Geographic Area (SGA) ng BARMM.

Ang BTA bills no.129 hanggang 136 na naglalayong bumuo ng bagong mga munisipalidad sa North Cotabato ay nakatanggap ng nagkakaisang buto mula sa mga miyembro ng BTA, pabor sa nabanggit na mga panukalang batas.

Papangalanan bilang mga munisipalidad ng Pahamuddin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kabakan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan, at Ligawasan ang nasabing walong mga lugar.

Ayon sa mga opisyal ng BTA parliament, ang pag-apruba sa mga panukalang batas ay isang patunay sa pangako ng pamahalaan ng BARMM na bigyang prayoridad ang mga pangangailangan at adhikain ng mga residente sa SGA.

Ayon sa BTA parliament, si BARMM chief minister Ahod Ebrahim ang magtatalaga ng mga unang alkalde, bise alkalde, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng mga bagong munisipalidad na magsisilbi hanggang sa susunod na lokal na halalan sa Mayo 2025.

Kaugnay pa rin dito, nakasaad din sa mga panukalang batas na ang pamahalaan ng BARMM ang magbibigay ng tulong pinansyal para sa pangangasiwa at operasyon ng mga bagong munisipalidad hanggang sa matanggap nila ang kanilang share sa national tax allotment. (PIA Cotabato City/With reports from BTA-BARMM)

In other News
Skip to content