Pagdiriwang ng Calacatchara Festival sa Calaca, Batangas kasado na

CALACA CITY, Batangas (PIA) — Nakahanay na ang mga aktbidad para sa pagdiriwang ng Calacatchara Festival bilang pagdiriwang sa ika-188 taong pagkakatatag ng lungsod ng Calaca sa darating na ika-1 ng Mayo 2023.

Sa isinagawang press conference ng pamahalaang lungsod, ibinida ni Mayor Nas Ona na ang  Calacatchara Festival na datihang ginaganap kapag Oktbure ay gaganapin na tuwing Mayo kasabay ng kapiyestahan ng Calaca, sa bisa ng resolusyong ipinasa ng Sangguniang Panglunsod.

Ayon kay Ona, ito ang unang pagkakataon na magsasagawa sila ng Calacatchara Festival sa buwan ng Mayo at ito ay magtutuloy tuloy na hanggang sa mga susunod na panahon.

Aniya, ito din ang unang panahon na magdiriwang sila ng foundation day bilang isang lungsod kung kaya’t inaasahan nya na hindi lamang ang mga residente ng Calaca ang makikibahagi dito kundi ang iba pang mga kalapit bayan at maging mga taga-malalayong lugar.

Tatagal ang pagdiriwang ng hanggang ika-10 ng Mayo kung saan bawat araw ay may iba’t bang aktibidad ang magaganap.

Sa pagsisimula ng Foundation Day ay magkakaroon ng Green Power Calaca Ciy Agri-Fair kung saan itatampok ang bawat natatanging produkto sa 40 barangay na nasasakop ng lungsod.

Magkakaroon din ng Power of Dreams Job Fair; pagbubukas ng Power ride adventure o horseback riding; Lens Power photo exhibit; The Power of Story Calaca Film Festival at car at motor show.

Sa ikalawang araw naman ay magkakaroon ng Barangay Power Up Challenge tampok ang ‘The Amazing Lunas Extra Challenge Radio Olympics,’ rescue and response at log cutting  at sa gabi ay isasagawa ang Tok Tiyaga Challenge.

Magkakaroon ng Day 2  Barangay Power Up Challenge sa ika-3 ng Mayo kasama na ang SP Resolution Writing at Budgeting at sa gabi ay ang Ms. Gay Calaca City 2023 bilang pagkilala sa mga LGBTQ sa lungsod.

Sa ikaapat na araw ay gaganapin ang Power play Inter Barangay Basketball and Volleyball League at ang Bb. Lungsod ng Calaca 2023 naman sa ikalimang araw.

Isasagawa din ang Power Ride Adventure o mountain bike fun ride at Calacascope o Street Dancing and Exhibition sa ika-6 ng Mayo.

Magkakaroon naman ng Color Power Fun Run and Zumba at Power of Light float parade na lalahukan ng mga locators ng lungsod sa ikapitong araw.

Isang Power pups dog show ang isasagawa sa umaga ng Mayo 8 na susundan ng One Barangay, One Product Distribution habang sa ika-9 ng Mayo ay bibigyang pagkilala ang mga natatanging indibidwal at organisasyon at mga kababaihan at kalalakihan ng lungsod na nakapagbigay ng dangal at ipinagmamalaki ng lungsod.

At sa huling araw ay isasagawa ang Araw ng Calaca Mayors Night na siyang hudyat ng ika-188 foundation anniversary ng Calaca kung saan magkakaroon ng pagtitipon at performances mula sa local artists at mga imbitadong performers. (Bhaby P. De Castro, PIA Batangas)

In other News
Skip to content