Paggalaw ng presyo ng bigas, nag-ambag sa pagtaas ng inflation sa Palawan

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Ang paggalaw ng presyo ng commodity na food and non-alcoholic beverages partikular na ang cereals products kung saan kasama rito ang bigas ang nag-ambag sa bahagyang pagtaas ng inflation sa lalawigan ng Palawan.

Ang headline inflation o ang paggalaw ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa lalawigan ng Palawan para sa buwan ng Hunyo 2023 ay bahagyang tumaas sa antas na 6.9% kumpara sa 6.5% noong Mayo 2023.

Ito ang iniulat ni Philippine Statistics Authority, Palawan Provincial Statistical Office (PSA-PSO) Supervising Statistical Specialist Evelyn O. Apellido sa isinagawang press conference kamakailan.

Ayon kay Apellido, ang dahilan ng pagtaas ng antas ng inflation sa lalawigan ay ang pagbilis sa paggalaw ng presyo ng mga bilihin sa food and non-alcoholic beverages. Ang mga pangunahing nag-ambag sa pagtaas ng inflation nito ay ang cereals and cereals products partikular ang bigas, gayundin ang isda at karne.

“Ang buwan ng Hunyo ay hindi pa buwan ng pag-ani, ‘yon ang dahilan kung bakit apektado ang suplay ng bigas sa ating lalawigan. Pagdating naman sa mga isda, alam naman natin na noong panahon ng Hunyo ay may mga bagyong dumaan sa atin, isama pa natin ang liwanag ng buwan, ‘yan naka-apekto sa dami ng huli ng isda ng ating mga mangingisda,” paliwanag ni Apellido.

Samantala, napanatili naman ng Lungsod ng Puerto Princesa ang antas ng inflation nito na 4.2% ngayong Hunyo 2023. Katulad ng sa lalawigan ng Palawan, ang paggalaw ng presyo ng commodity na food and non-alcoholic beverages partikular na ang cereals products kung saan kasama rito ang bigas ang nag-ambag sa inflation ng lungsod.

Ang 13 commodity groups na binabatayan ng PSA-Palawan sa pagtala ng inflation rate ng lungsod at lalawigan ay ang sumusunod: Food and Non-alcoholic beverages; Alcoholic beverages and tobacco; Housing, water, electricity, gas and other fuels; Furnishings, household maintenance; Health; Transport; Information and communication; Recreation, sport, and culture; Education services; Restaurants and accommodation services; Financial services; Personal care, and miscellaneous goods and services.

Ang mga bayan ng Brooke’s Point, Quezon, Narra at Roxas naman ang sample municipalities at ang dalawang malalaking establishyemento sa lungsod ng Puerto Princesa naman ang sample outlets ng PSA-Palawan para sa pagtaya ng antas ng inflation kada buwan. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)

Larawan sa itaas mula sa LGU-Brooke’s Point-MIO


Si Philippine Statistics Authority, Palawan Provincial Statistical Office (PSA-PSO) Supervising Statistical Specialist Evelyn O. Apellido habang iniuulat ang inflation ng lalawigan ng Palawan at Lungsod ng Puerto Princesa sa isinagawang press conference kamakailan. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

In other News
Skip to content