LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Bilang pakikiisa sa mithiing maging Eco-Friendly Environment ang buong lungsod, mahigpit ng ipagbabawal simula sa darating na Abril 1 alinsunod sa City of Calapan Environmental Code of 2021 (City Ordinance No. 98-2021) ang paggamit ng mga plastic materials ayon sa utos ni City Mayor Marilou Flores-Morillo.
Ayon sa Punong Lungsod ang mga ipagbabawal ay ang mga sumusunod; plastic utensils tulad ng mga kutsara, tinidor at baso, plastic bag, mga panghalo o stirrer, straw na panali, ang styrofoam dahil ito ay gawa sa polystyrene plastic na masama sa kalusugan kapag ito ay nasunog at nalalanghap ng tao; at mga cellophanes.
Dahil dito, hinihikayat ni Morillo ang mamamayan na ugaliing magdala ng mga sariling lalagyan ng tubig, mga gamit sa pagkain, eco-bag, buri bag, at iba pang uri ng materyales na maaaring paglagyan ng mga pinamili. Nais aniya ng alkalde na maging ‘plastic free’ ang lungsod sa mga susunod na panahon. (DN/PIA-MIMAROPA)