LUNGSOD NG OLONGAPO (PIA) — Iniaalok ng Social Security System (SSS) Olongapo Branch sa mga delinquent employer ang paggamit ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program (CPCoDE MRP).
Ang CPCoDE MRP ay isang condonation program ng ahensya upang matulungan ang mga delinquent employer na makabayad ng mga hindi naihulog na kontribusyon ng kanilang manggagawa.
Paliwanag ni SSS Vice President for Luzon Central 2 Division Gloria Corazon Andrada, sa ilalim ng naturang programa ay kailangan lamang nilang bayaran ang principal at ang interes na hindi na kasama ang penalties.
Sa isinagawang Run After Contribution Evaders operation, sinadya ng mga opisyal ng SSS ang 10 sa 3,031 delinquent employers sa lungsod.
Sa nasabing bilang, target mahabol ang nasa kabuuang P217 milyon kung saan may 20,958 na mangagagawa ang makikinabang dito.
Kaugnay nito ay nasa P39.38 milyon na ang nakolekta na mga delinquencies as of April 2023.
Binigyang diin din ni Andrada ang kahalagahan ng regular na pagbabayad ng kontribusyon upang mapakinabangan ang mga benepisyong handog ng ahensya.
Kabilang sa mga benepisyong ito ang panganganak, pagkakasakit, pagkawala ng trabaho, pagkabaldado, pagreretiro, pagkamatay, hanggang sa paglilibing. (CLJD/RGP PIA 3)
Sinabi ni Social Security System Vice President for Luzon Central 2 Division Gloria Corazon Andrada (pangatlo mula kanan) na iniaalok nila sa mga delinquent employer ang paggamit ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program. (Reia G. Pabelonia/PIA 3)