Paggawa ng handicrafts, itinuro sa mga kabataan ng Gensan

GENERAL SANTOS CITY (PIA) — Isa sa mga aktibidad sa pagdiriwang ng Gensan Summer Youth Festival (GSYF) 2023 ay ang workshop sa paggawa ng mga handicrafts na naganap sa Veranza Mall mula May 30-31, para sa mga kabataang interesado sa paggawa ng pulseras, lampshade, at tsinelas.

Sinabi ni Kim Michael Sacedor, isang freelance craftsman na mas kilala bilang “Khimzbora” ng Khimzbora Crafts & Art, na itinuturo nila ang sining na ito dahil napapansin nila na maraming kabataan ang tila nawiwili sa paglalaro ng mga gadget at paggamit ng social media.

Binigyang-diin niya na mahalaga rin na bigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na palawakin ang kanilang creativity at artistic thinking sa pamamagitan ng paggawa ng mga handmade na bagay na hindi lamang nagpapahayag ng kanilang sariling pagkatao, kundi maaari rin nilang pagkakitaan.

Pinaliwanag naman ni Marlon Binarao, isang iskultor, na ang paggamit ng mga scrap o recyclable materials, kasama na ang mga basura na nakikita sa dalampasigan, ay malaking tulong hindi lamang sa kabuhayan ng mga pamilya, kundi pati na rin sa pangangalaga sa kalikasan.

Ayon kay Binarao, ang “trash to income” na handicrafts ay hindi nangangailangan ng malaking gastusin, subalit maaaring mabenta sa makatwirang halaga kung ito’y gagawin nang may tamang disiplina, pagka-malikhain, at pagsisikap.

Sa pamamagitan ng sining at paggawa ng mga sining mula sa basura, sinasabi ni Binarao na nagbibigay ito ng mensahe sa mga kabataan at ibang naghahanap ng pagkakakitaan na mag-explore sa buhay kahit na mahirap sa simula at kahit may diskriminasyon pa mula sa ibang tao tungkol sa paggawa ng mga artworks mula sa itinapon nang mga bagay. (Harlem Jude Ferolino, PIA SarGen)

In other News
Skip to content