BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) – Tinututukan ng mga kawani ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagpapatayo ng mga Water System Projects sa Bayan ng Ambaguio, Nueva Vizcaya.
Ayon kay DILG Provincial Director Catherine Allam-Miranda, kamakailan lamang ay bumisita ang kanilang mga kawani sa mga nasabing proyekto sa bulubunduking upang alamin ang usad at kalidad ng mga isinasagawang proyekto at tiyakin na ang mga ito ay matatapos sa takdang panahon.
Ani Allam-Miranda na tatlong Water System Projects ang kasalukuyang ginagawa sa Barangay Camandag, Napo at Ammoeg na pinondohan sa ilalim ng Local Government Support Fund – Support to the Barangay Development Program.
Ipinapatayo ang mga nasabing proyekto upang magkaroon ng malinis at ligtas na tubig ang mga mamamayan sa mga malalayong komunidad na itinuturing na Geographically Isolated and Depressed Areas.
Lubos ang pasasalamat ni Mayor Ronelio Danao sa mga nasabing proyekto dahil isa ito sa mga minimithing kailangan ng mga katutubo na sumasalok ng kanilang maiinom na tubig at nilalakad ang malayong daan papunta sa water source.
Dagdag ni Danao na makakatulong din ito upang maiwasan ang insidente ng mga water-borne diseases sa komunidad.
“Makakaasa po kayo na ang mga proyektong ito ay aming iingatan upang mapakinabangan pa ng mga susunod na henerasyon,” pahayag ni Danao. (OTBME/PIA NVizcaya)