LUCENA CITY (PIA) — Kasado na ang mga paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) Quezon Provincial Office para sa 2025 National and Local Elections, na nakatakdang isagawa sa Mayo 12, 2025.
Sa programang Kapihan sa PIA Quezon nitong Miyerkules, Enero 15, ibinahagi ni Atty. Ana Mei Barbacena, Acting Provincial Comelec Supervisor, ang mga hakbang na isinasagawa ng kanilang tanggapan upang tiyakin ang maayos na pagtakbo ng halalan sa lalawigan.
Ipinaliwanag ni Atty. Barbacena ang mga nakatakdang panahon para sa halalan, kabilang ang campaign period na magsisimula sa Pebrero 11 para sa mga kandidato sa Senado at Party List Elections, at mula Marso 28 hanggang Mayo 10 para sa mga kandidato sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at mga lokal na opisyal.
Ang overseas voting ay magsisimula mula Abril 13 hanggang Mayo 12, 2025, habang ang mga local absentee voters ay maaaring bumoto mula Abril 28 hanggang 30, 2025, ayon kay Atty. Barbacena.
Tinalakay din sa Kapihan ang mga pagkakaiba ng mga local at national positions sa eleksyon ng 2025. Ayon kay Atty. Barbacena, sa pambansang halalan, may mga posisyon tulad ng senador, mga miyembro ng mababang kapulungan ng kongreso, at mga party-list representatives. Samantalang sa lokal na halalan, kabilang ang mga posisyon ng gobernador, bise-gobernador, mayor, bise-mayor, mga konsehal, at mga miyembro ng sangguniang panlalawigan.
Samantala, tinalakay din ni Atty. Barbacena ang papel ng media at social media sa paghubog ng opinyon ng publiko. Binanggit niyang mahalaga ang mga platapormang ito sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa mga kandidato at mga isyu sa eleksyon, ngunit binigyang-diin din niya ang panganib ng maling impormasyon na maaaring kumalat sa social media.
Ayon sa pinakahuling tala ng COMELEC-Quezon noong Setyembre 2024, mayroong 1.4 milyong botante sa buong lalawigan ng Quezon, kung saan inalis na ang mga double registrants, mga patay na, at mga hindi nakaboto o may failure to vote sa mga nakaraang eleksyon. (Ruel Orinday- PIA Quezon)