Pagkakaroon ng temporary dislocation, posible sa panahon ng modernisasyon ayon sa DA

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng “temporary dislocation” sa panahon na gumaganda o nagiging moderno ang mga kagamitan sa pagsasaka ayon kay Department of Agriculture (DA) Mimaropa Regional Executive Director Christopher R. Bañas sa ginanap na Kapihan sa Bagong Pilipinas noong Hunyo 18.

Sinabi ni Bañas, “ang temporary dislocation ay yaong pansamantalang pagkawala ng trabaho ng mga manggagawa dahil sa pagpasok ng makabagong teknolohiya tulad ng mga makinarya at mekanismo na siyang gagawa ng mga bagay para mapabilis at maparami ang produksiyon at mababawasan ang pangangailangan sa mga mangagawa.”

Hindi rin ito nangangahulugan na hindi na kakailanganin ang trabahador, bagkus maari pa rin silang kunin para sa pagpapatakbo ng makinarya na dati ay mga hayop ang ginagamit partikular sa pagsasaka, ayon sa kanya.

Dagdag pa ni Bañas, ibinibigay din ng administrasyon Marcos ang “whole-of-the-nation approach” upang bigyang prayoridad ang mga pangunahing serbisyo sa mga lugar na mahirap abutin ng pamahalaan lalo na sa mga bulnerableng komunidad.

“Hindi titigil ang kagawaran ng pagsasaka sa pagbibigay ng mga magagandang interbensiyon sa ating mga magsasaka dahil sa modernisasyon. Akapin lamang natin ang modernisasyon at mekanisasyon at sa hinaharap ay makakamtan natin ang ginhawa at mabilis na pag-unlad ng ating mga lugar,” sabi ni Bañas. (DN/PIA Mimaropa-Oriental Mindoro)

 

PHOTO ABOVE: Pinangunahan ng Department of Agriculture (DA) ang ikaapat na serye ng Kapihan sa Bagong Pilipinas na ginanap sa Vencio’s Garden Hotel and Restaurant sa lungsod ng Calapan noong June 18. (Photo by Ace Sapit/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content