Pagkokopra sa Quezon, palalakasin ng itatayong White Copra Processing Center

LUCENA CITY (PIA) — Mas maunlad na industriya ng pagkokopra ang naghihintay sa mga magniniyog sa probinsiya ng Quezon sa pagtatayo ng White Copra Processing Center na proyekto sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan.

Nitong Miyerkules, Abril 12, ay pinangunahan ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan ang ground breaking ceremony sa Brgy. Santa Monica, Tagkawayan, Quezon na hudyat ng pormal na pagsisimula ng konstruksiyon ng pasilidad.

Kasama ni Tan sina Tagkawayan Mayor Luis Oscar T. Eleazar, Quezon Fourth District Representative Keith Micah “Atty. Mike” Tan at mga opisyal mula sa pamahalaang panlalawigan, Department of Agriculture – PhilMech (DA-PhilMech), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Philippine Coconut Authority (PCA).

Ang proyekto na nagkakahalaga ng P10.6 million ay iginawad sa Sama-Sama sa Kaunlaran Multi-Purpose Cooperative na siyang mangangasiwa sa proyekto. Ang White Copra Processing Center na kauna-unahang proyektong pinondohan ng Coconut Farmers and Industry Trust Fun Act ay magkatuwang na isasakatuparan ng DA, DTI, DPWH, at PhilMech.

Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Tan na siya ring isa sa mga pangunahing may-akda ng Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, na itinulak niya na mapabilang ang lalawigan ng Quezon sa mga maging unang benepisyaryo ng batas.

Ayon pa sa Gobernador, maituturing itong isa sa pinakamahalagang proyekto para sa mga magsasakang Quezonian upang mas mapaunlad pa ang kanilang sektor. Aniya, sa pamamagitan ng processing center ay matutulungan nito ang mga coconut farmers na makagawa ng de-kalidad na kopra na magbibigay-daan sa magandang kita sa mga magsasaka.

Samantala, nagpaabot din ng kanyang video message si Senator and Committee on Food and Agriculture Cynthia Villar kung saan ibinahagi nito ang layunin ng Multi-Purpose Cooperative at mahahalagang proseso tungkol sa nasabing itatayong processing center.

Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa kooperatiba at sa lahat ng ahensiyang katuwang upang mapabilang ang Tagkawayan sa mga unang benepisyaryo proyekto. Umaasa si Senador Villar na makatutulong sa mga magniniyog sa bansa na kumita ng mas malaki, na makatutulong rin sa ekonomiya ng bansa.

Ang Coconut Farmers and Industry Development Act o ang Republic Act 11524 ay isang 50-year program na idinisenyo upang matulungan ang mga magsasaka ng niyog ng bansa. Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay makakatanggap ng mga pasilidad na tutugon sa kanilang mga pangangailangan. (PIA QUEZON)

In other News
Skip to content