LUNGSOD NG COTABATO (PIA)–Sa hangaring makapagbigay ng maayos na lugar para sa mga nagpapasusong ina sa labas ng kanilang tahanan, isinusulong ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang panukalang batas na layong maglagay ng mga pribadong pasilidad para sa mga nagpapasusong ina sa lahat ng pribado at pampublikong lugar sa buong rehiyon ng Bangsamoro.
Ang parliament bill no.186 o mas kilala bilang Bangsamoro Breastfeeding Facilities Act of 2023 ay may layuning hikayatin ang mga ina na ipagpatuloy ang pagpapasuso sa kanilang mga sanggol sa komportable at ligtas na lugar.
Inihain ni member of parliament Amilbahar Mawallil ang nasabing panukalang batas upang matugunan ang mga pagsubok na kinakaharap ng mga nagpapasusong ina, lalo na ang mga nagbabalik sa kani-kanilang mga trabaho pagkatapos manganak.
Binigyang-diin ni Mawallil na ang paglalagay ng nasabing mga pasilidad ay makatutulong din sa moral ng isang empleyado at kapanatagan sa trabaho.
Sa pamamagitan ng nabanggit na panukalang batas ay magkakaroon ng komportableng lugar ang mga nagpapasusong ina na mayroong upuan, saksakan ng kuryente, mesa at patag na ibabaw, lababo para sa paghuhugas ng kamay at iba pang kagamitan. (With reports from BTA-BARMM).