BAGUIO CITY (PIA) – Nagpunyagi at nangarap. Ngunit gaya ng isang ibong natututo pa lang lumipad dahil sa mga pagsubok ay nabali ang kanyang mga pakpak, natigil ang kanyang paglipad.
Si Oman (hindi niya tunay na pangalan) ay isa lamang sa mga batang nangarap noon na makatapos ng pag-aaral upang makahanap ng maayos na trabaho at matulungan ang kanyang pamilya. Ngunit dahil sa tuksong dala ng kanyang mga barkada, nagbingi-bingihan ito sa tawag ng kanyang ama’t ina. Tumiwalag ito sa tamang landas at sumunod sa maling mga yapak.
“Hindi po maiwasan talaga na makahanap ka ng mga barkadang nakakagawa po ng mali. Nakagawa po kami ng kamalian at ‘yun po, kaya po kami napunta sa Bahay Pag-asa,” kwento ni Oman.
Dahil sa kasong may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot, dinala ang noon ay 17-anyos na si Oman sa Bahay Pag-asa sa Baguio City.
Gayunman, dahil sa takot at iba pang kadahilanan, tumakas ito sa pasilidad. Aniya, napadpad ito sa malalayong lugar upang makapagtago.
Namasukan bilang construction worker sa iba’t ibang lugar hanggang sa makapag-asawa ito.
Lumipas ang walong taon, bumalik sa Bahay Pag-asa ang ngayon ay 25-anyos na si Oman upang tapusin ang programang inilaan para sa kanya, pangunahin sa lahat ay ang maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
“Nung bumalik ako sa center, ipinagpatuloy ko ang pag-aaral sa pamamagitan ng ALS [Alternative Learning System].
Itinuloy ko na mag-aral upang matulungan ko po ang aking pamilya,” ani Oman.
Ayon sa kanya, pangarap niyang hasain pa ang kanyang kaalaman sa farming o agrikultura.
Sa pagbabalik niya sa Bahay Pag-asa ay marami siyang natutunan. Bukod sa gardening ay natuto rin ito ng iba’t ibang skills gaya ng baking, paggamit ng musical instruments, at iba pa.
Higit sa lahat ay naging mas matatag aniya ang kanyang pananampalataya sa Maykapal.
Pinasalamatan naman ni Oman ang lahat ng indibidual na naging bahagi ng kanilang paglalakbay tungo sa pagbabagong-buhay kabilang na ang Bahay Pag-asa at ang kanilang mga house parents o mga kawani ng City Social Welfare and Development Office na nagsilbing kanilang ikalawang magulang sa loob ng center.
Samantala, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng edukasyon at ang pagpapahalaga sa mga pangaral ng mga magulang.
“Huwag po tayong mawalan ng pag-asa, tapusin po natin kung ano ang dapat nating tapusin para din po sa ating mga pangarap,” aniya.
“Pakinggan ang lahat ng sasabihin ng kanilang magulang para din sa kanila ‘yun,” payo nito.
Ang mga pagkakamali ni Oman ay nagsilbing aral para sa kanya, na hindi pa huli ang lahat para ipaayos ang kanyang mga pakpak upang muling makalipad. Dahan-dahan man ang kanyang paglipad, tiwala ito na unti-unti ay mararating din niya ang kanyang mga pangarap. (DEG-PIA CAR)