DAET, Camarines Norte, Enero 19 (PIA) – Itinalaga na ng Provincial Incident Management Team (IMT) ng Camarines Norte sa mga lokal na pamahalaan ang monitoring ng COVID-19 habang tuloy naman ang Provincial Veterinary (ProVet) Office sa pag antabay sa African Swine Fever (ASF).
Pagtutuunan na ng Provincial Health Office (PHO) ang nagpapatuloy na vaccination at booster program nito.
Kaugnay ito sa pagtatapos ng COVID-19 at ASF Operation ng IMT sa isinagawang Area Command Operational Period Briefing closed out meeting sa Audio Visual Room ng kapitolyo.
Ayon kay Unified Incident Commander Atty. May Dan Sayco Jalgalado, bagamat isinara na ang COVID 19 at ASF Operation, mananatili ang IMT bilang paghahanda at pagtalima sa anumang kalamidad o sakuna na maaaaring kaharapin ng lalawigan.
Magpapatuloy naman ang dalawang border checkpoints sa Barangay Tabugon, Sta. Elena at Tuaca, Basud kung saan pinatitiyak ni Bise Gobernador Joseph V. Ascutia ang proper compensation para sa mga taong itatalaga doon, na bukod sa suweldo ay mayroong meal at transportation allowance ring nakatalaga para sa mga naturang frontliners.
Samantala, sa naturang pagpupulong ay iniulat rin ng mga miyembro ng IMT ang kanilang mga updates o kalagayan sa COVID-19 at ASF monitoring.
Ayon kay Incident Commander for COVID-19 Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco, simula taong 2020 ay naitala ang 4,640 kaso ng COVID-19 at 276 ang binawian ng buhay.
Ngayong taong 2023 ay may dalawang confirmed cases subalit nakarecover na ito noong Enero 16 at walang ring aktibong kaso sa kasalukuyan.
Hinikayat rin ni Dr. Francisco ang publiko na magpabakuna na kontra COVID-19 sa mga itinalagang pasilidad, maging ang mga nais magpa booster shots dahil sa tuloy lang ang pagbabakuna.
Aniya, kung may herd immunity ay mas marami ang makakaiwas sa nasabing sakit. HInikayat din nito ang lahat na maging mapanuri at ang paniwalaan ay ang official statement lamang tungkol sa mga balita sa COVID-19.
Wala ng kaso ng ASF sa Camarines Norte subalit hindi pa opisyal na maideklarang ASF-Free dahil sa mga dokumentong hindi pa naisusumite ng tatlong bayan katulad ng Mercedes, Basud at San Lorenzo Ruiz ayon kay Incident Commander for ASF Provincial Vetarinary Officer Dr. Ronaldo Diezmo.
Ayon kay Dr. Diezmo, inaasahan na ipipresenta ito hanggang sa Biyernes, Enero 20 bago maideklarang ASF-FREE ang 12 bayan.
Pagkatapos maideklarang ASF-Free ang lahat ng bayan, uumpisahan naman ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng ProVet ang proseso sa pag-aaplay upang maideklarang ASF-Free ang probinsya ng Camarines Norte.
Siniguro naman ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) sa pamamagitan ni Incident Commander for Peace and Security PLtCol. Rogelyn Peratero ang kanilang suporta sa pamahalaang panlalawigan.
Patuloy silang makakatuwang lalo na sa paglaban sa mga ilegal na gawain, pagpapanatili ng kaayusan, kapayapaan at pagresponde sa panahon ng kalamidad.
Matapos ang closed-out meeting, naghahanda ang pamahalaang panlalawigan sa pagpupugay at pagkilala sa lahat ng ahensyang nakatuwang sa pagsilbi sa mga kababayan sa panahon ng pandemya. (Ulat mula sa PG-PIO- PIA5/Camarines Norte)