Pagpapaigting ng disaster preparedness, patuloy sa Batangas City

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Patuloy ang Batangas City Disaster Risk Reduction and Management Council sa pagpapaigting ng kahandaan sa lungsod sa pamamagitan ng agarang pagtugon sa kalamidad at pagpapalakas ng kaalaman ng mga disaster responders nito.
 
Sa pagpupulong na isinagawa ng konseho kamakailan, inilahad ng mga miyembro ng Batangas City DRRMC ang mga naging pagtugon nito sa mga nagdaang kalamidad sa mga nakalipas na buwan.
 
Iniulat ni Disaster Response Committee Head at OIC – City Social Welfare and Development Officer (CSWDO) Hiyasmin Candava na nagkaloob ang kanilang tanggapan ng food assistance sa may 300 pamilyang naapektuhan ng bagyong Goreng mula sa limang barangay ng Isla Verde at Poblacion 24.
 
Aniya, nagkaloob din sila ng food assistance sa anim na pamilyang biktima ng sunog sa magkakaibang barangay kamakailan.
 
Sumailalim naman ang mga barangay leaders sa isang pagsasanay na may titulong  “Understanding Disaster Risk Management” upang mas mabigyan sila ng kaalaman at tamang paghahanda para sa anumang kalamidad o sakuna.
 
Isang camp coordination at camp management training  para sa mga child development workers ang kanila ring isinagawa na layong matiyak ang maayos na pangangasiwa ng mga evacuation centers sa panahon ng kalamidad.
 
Iniulat naman ni Prevention and Mitigation Committee Chairperson at City Engineer Dwight Arellano ang patuloy nilang paglilinis ng mga kanal at pagtatanggal ng mga bara sa mga daluyan ng tubig para maiwasan ang pagbaha.
 
Aniya, regular din ang pagsasagawa nila ng bundling ng mga kableng nakalaylay at pag-aalis ng mg ahindi na ginagamit na maaaring maging dahilan ng aksidente.
 
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan nila sa mga telecommunication companies at ilan pang service providers at pagsasagawa ng regular na pagpupulong kaugnay nito.
 
Mabilis at maayos rin ang koordinasyon ng Transportation Development and Regulatory Office (TDRO) at Task Force Disiplina sa mga konsernadong ahensya ukol sa mga road hazards na kanilang nakikita sa araw araw na monitoring.
 
Ayon kay Traffic Operations and Maintenance Section Chief Crismark Banaag , 74% na ang naresolba sa mga inendorso nilang road hazards, obstructions at dangling cables sa konsernadong ahensya.s
 
Ang Batangas City DRRMC ay pinamumunuan ni Mayor Beverley Dimacuha bilang chairperson. Bukod sa mga tanggapan ng pamahalaang lungsod ay miyembro din nito ang ilan sa mga ahensiya ng gobyerno at pribadong kumpanya. (BPDC, PIA BATANGAS)

In other News
Skip to content