LUCENA CITY, Quezon (PIA) — Iba’t ibang aktibidad na nakatuon sa pagpapalakas ng sektor ng kababaihan ang inihanda ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan ngayong Marso.
Ito ang inihayag ni Sedfrey Potestades, Assistant Department Head ng Quezon Provincial Gender and Development (PGAD) Office sa programang “Kapihan sa PIA Quezon” nitong Miyerkules, Marso 8, kasabay ng selebrasyon ng Araw ng mga Kababaihan.
“Kabilang po sa mga aktibidad ay ang pagsasagawa ng mga pagsasanay upang mabigyan ang mga kababaihan ng opurtunidad na magkaroon ng hanapbuhay, pagbibigay ng libreng cervical at breast screening, pagtuturo sa wastong pagtatanim at paghahalaman gayundin ang kampanya upang maiwasan ang karahasan sa mga kababaihan at iba pa,” paliwanag ni Potestades.
Kaugnay nito, umaasa ang PGAD Office Focal Point System na magiging katuwang ng pamahalaang panlalawigan ang mga kababaihan sa pag-unlad ng sektor nito sa probinsiya.
Samantala, ang tanggapan ng panlalawigang agrikultor ay magsasagawa rin ng mga livelihood skills trainings gaya ng “Calamansi Juice Processing” sa Marso 9-10 na naglalayong mabigyan ng pangkabuhayan ang mga kababaihan. Ang tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo ay magdaraos naman ng rabies vaccination sa mga alagang hayop kagaya ng pusa at mga aso.
Ang Integrated Provincial Health Office- Quezon ay magdaraos naman ng “Buntis Congress” sa St. Jude Hotel sa Marso 10 bukod pa ang pagsasagawa ng “Health Caravan” sa Marso 14 hanggang 20 sa Polillo Group of Islands. Layon nito na mabigyan ng libreng serbisyong medikal ang mga kababaihan.
Kabilang sa mga naging panauhin sa “Kapihan sa PIA Quezon ” sina Provincial Focal Point Person on Women Glenda Alpuerto, Acting Provincial Legal Officer Atty. Julliene Therese Salvacion; at Provincial Social Welfare and Development Office Assistant Department Head Norli Labitigan, na naglahad ng mga programang inihanda ng kanilang tanggapan sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan.
Dumalo rin sa nasabing programa sina Provincial Veterinarian Dr. Adelberto Ambroscio, Provincial Health Officer Dr. Lorelei Salonga, at Agriculture officer Angeli Florante. (Ruel Orinday-PIA-Quezon)