Pagpapalawig ng ‘state of calamity’ sa Brooke’s Pt. pinag-aaralan


Nasa sa mahigit P65M ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa Bayan ng Brooke’s Point ayon kay Municipal Agriculturist Renato Bacosa kung saan ang higit na apektado ng pagbaha ay ang mga high-value crops. (Larawan sa itaas at ibaba ay mula sa MIO-Brooke’s Point)

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Pinagaaralan ngayon ng Pamahalaang Bayan ng Brooke’s Point ang pagpapalawig pa ng pagsasailalim sa ‘state of calamity’ ng nasabing bayan hanggang sa Hulyo 23, 2023, ayon na rin sa rekomendasyon ng Municipal Disaster and Risk Reduction Management Council (MDRRMC).

Una nang nag-deklara ng ‘state of calamity’ ang LGU-Brooke’s Point noong Disyembre 27, 2022 dahil sa pagbaha dulot ng shear line at nitong nakaraan ay nakaranas muli ng matinding pagbaha ang nasabing bayan dulot naman ng Low Pressure Area (LPA) na nagresulta sa pagkasira ng mga pananim, imprastruktura at mga gamit sa paaralan.

Dahil sa lawak ng pinsala ng pagbaha, inirekomenda ng MDRRMC ang pangangailangang palawigin ang kasalukuyang ‘state of calamity’ hanggang Hulyo 28 ngunit ito ay nanganailangan pa ng pag-apruba ng Sangguniang Bayan.

Sa impormasyong ibinahagi ng Municipal Information Office ng Pamahalaang Bayan ng Brooke’s Point sa pamamagitan ng kanilang Facebook page nitong Enero 11, pumalo na sa mahigit P37M ang halaga ng pinsala sa imprastruktura ng nasabing kalamidad.

Ang nasabing halaga ay inisyal na ulat pa lamang ng Municipal Engineering Office kung saan malaki ang pinsala sa mga concrete bridges, hanging bridges, sea walls, break waters, kalsada, spillway, culvert at dam sa buong bayan.

Nasa sa mahigit P65M naman ang halaga ng pinsala sa agrikultura ayon kay Municipal Agriculturist Renato Bacosa kung saan ang higit na apektado ng pagbaha ay ang mga high-value crops na mula sa Barangay Imulnod na pangunahing ikinabubuhay ng mga residente dito at pinagkukunan ng suplay sa buong bayan.

Habang nasa mahigit P3M ang halaga ng naitalang pinsala ng pagbaha sa mga paaralan. Kabilang sa mga nalubog sa baha ay ang mga computers, laptop, modules, mesa, upuan, refrigerator, mga sewing machine at welding machine na ginagamit ng mga Senior High School. Patuloy pa rin ang assessment ng pamahalaang lokal sa pinsalang idinulot ng LPA. (OCJ/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content