LUCENA CITY (PIA) — Iniulat ni Quezon Gov. Angelina “Helen” Tan ang mga napagtagumpayan ng pamahalaang panlalawigan sa unang taon ng kanyang panunungkulan bilang punong ehekutibo ng probinsya sa “Ulat sa Lalawigan” nitong Lunes, Hulyo 31.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Tan na bagama’t marami pang kailangang gawin upang mawakasan ang kahirapan sa lalawigan, malaki na ang nagawa ng kanyang liderato sa paghahatid ng mga angkop na serbisyo partikular sa pagpapabuti ng sektor ng kalusugan, edukasyon, agrikultura, kabuhayan, imprastraktura, kalikasan, turismo, at mabuting pamamahala bilang mga prayoridad ng kanyang “Healing agenda”.
Inilahad din ng gobernadora ang malaking pagbabago sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa Quezon Medical Center (QMC) na ngayon ay sumasailalim sa malawakang pagsasaayos ng pasilidad at pamamahala.
“Malayo pa, ngunit malayo na po ang narating ng aking pamamahala sa pagbibigay ng serbisyo at programang pangkalusugan sa maraming mamamayan sa ating lalawigan,” ani Tan.
Dagdag pa ni Tan, mula sa dating 600 ay bumaba na sa 400 ang average occupancy ng ospital na mayroon lamang 200 authorized bed capacity.
Binigyang diin rin ni Tan ang implementasyon ng Konsultasyong Sulit at Tama or Konsulta package ng Philhealth sa lalawigan, kung saan maaaring ma-access ng publiko ang preventive care services, kabilang ang mga libreng gamot at laboratory tests para sa out-patient consultations.
Bilang pagpapatuloy ng kanyang adbokasiya para sa Universal Health Care na kanyang iniakda noong siya ay miyembro pa ng Kongreso, iniulat din ni Tan na siya ay lumagda ng kasunduan sa lahat ng mga alkalde ng bawat bayan at lungsod sa Quezon kasama ang Department of Health para sa malawakang implementasyon ng “Province-Wide Health System Integration” na siyang kauna-unahan sa buong bansa.
Inilahad rin ni Tan aprubado na rin ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Vice-Governor Third Alcala sa kanilang ika-35 na pangkaraniwang pulong kamakailan ang ordinansa para sa programang pang-edukasyon na “One Family, One Graduate Scholarship Program.”
Sa pamamagitan ng naturang programa, nais ni Tan na bawat pamilya sa lalawigan ng Quezon na walang kakayahang makapag-paaral ay magkaroon ng kahit isang makakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.
Naniniwala ang gobernadora na kung may isang makapagtatapos ng pag-aaral sa kolehiyo na miyembro ng pamilya ay maaari na itong makatulong upang pag-aralin pa ang ibang kapatid at makatulong upang maiangat ang buhay ng kanilang pamilya.
“Pangarap ko po na sa bawa’t pamilyang mahihirap ay mayroong isang miyembro sa kanilang pamilya ang makatatapos sa kolehiyo,” pagbibigay diin ng gobernadora.
Kabilang din sa kanyang iba pang programa na inilahad ng gobernadora ang pagpapatupad ng Priority Courses Scholarship and Return Service Program at pagbuo sa 31 kooperatiba para sa mga magsasaka ng niyog bilang bahagi ng Coconut Farmers Industry Development Program.
Binigyang diin rin ni Tan ang hakbang ng pamahalaang panlalawigan pagdating sa mabuting pamamahala ng pondo nito na nagbigay daan para makamit nito sa unang pagkakataon ang “unmodified opinion” o pinakamataas na audit rating mula sa Commussion on Audit.
Nangako naman si Tan na pagbubutihin pa ng kanyang administrasyon ang pagtupad sa mga prayoridad nito sa nalalabing dalawang taon ng kanyang panunungkulan.
Hinikayat din ng gobernador sa kanyang ulat na palakasin nito ang ‘municipal people’s council’ sa kanilang lugar upang maging kabalikat sa pag-unlad ng lalawigan. (Ruel Orinday-PIA Quezon)
Pagpapaunlad sa sektor ng kalusugan, edukasyon sentro ng ulat sa lalawigan ni Quezon Governor Tan
By Ruel Orinday
