Pagrerehistro sa Konsulta Program ng PhilHealth, isinagawa sa OccMin

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Tinatayang 1,000 Mindoreño mula sa iba’t ibang bayan ng Occidental Mindoro ang inaasahang maire-rehistro sa Konsulta Program ng PhilHealth, kasabay ng Assitance to Individuals in Crisis Situation (AICS) payout ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa San Jose Municipal Covered Plaza ngayong Huwebes.

Ang Konsulta Program ay nagbibigay ng libreng konsultasyon, medical procedures, at mga gamot sa mga mamamayang rehistrado sa ilalim nito sa mga accredited na ospital at medical providers.

“Dati, mayroon tayong Primary Care Benefit (PCB) ngunit ito ay limitado lamang ang nabibigyang ng serbisyo. Ngayon, sa Konsulta Program, lahat ng mamamayan ay makaka-avail ng medical services na kailangan nila sa mga Konsulta-accredited hospitals sa probinsya,” ani Conception M. Arteza, Provincial Head ng PhilHealth.

Dagdag ni Arteza, sa rehiyon ng MiMaRoPa, Occidental Mindoro pa lang ang may kumpletong ospital na Konsulta-accredited provider ngayon 2023, kabilang na ang San Jose District Hospital.

Layunin din ng gawain na maging kasapi ng PhilHealth ang lahat ng hindi pa miyembro upang mas maiabot sa mga mamamayan ang tulong pangkalusugan ng ahensya.

“Kung wala [po silang] PhilHealth, o walang kakayahang magbayad ng PhilHealth, ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at katuwang na tanggapan sa bawat munisipalidad (MSWDO) ay handang tumulong sa ating mga kababayan para masuri at mabigyan sila ng Certificate of Financial Incapability. [Patunay ito] na wala [silang] kakayahang magbayad at ang gobyerno ang magbabayad ng kanilang kontribusyon. Kapag naging miyembro na sila, pwede na silang magparehistro sa [Konsulta Program],” paliwanag ng PhilHealth Provincial Head.

Katuwang ng PhilHealth ang PSWDO sa pagrerehistro sa Konsulta Program. Magsasagawa rin ng serbisyo caravan ang naturang tanggapan sa Brgy. Malpalon, Calintaan sa ika-15 ng Pebrero at sa Sitio Mantay, Brgy. Monteclaro, San Jose sa ika-18 hanggang 19 ng Pebrero upang maiparehistro ang mga nasa malalayo at liblib na lugar.

Nagsimula ang pagpaparehistro sa Konsulta Program sa probinsya noong Enero 2023. Tinatayang nasa 60,000 Mindoreño ang target na mairehistro sa Konsulta Program ng PhilHealth sa buong probinsya. (DSG/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content