Lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) ang DENR MIMAROPA at mga may-ari/operator ng tatlong rehistradong kumpanya na kwalipikadong magsagawa ng malawakang flood control dredging at desilting sa mga kailugan sa Occidental Mindoro.
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) MIMAROPA sa pangunguna ni Regional Executive Director Lormelyn Claudio at mga may-ari/operator ng tatlong rehistradong kumpanya na kwalipikadong magsagawa ng malawakang flood control dredging at desilting sa probinsya ng Occidental Mindoro kamakailan.
Naka-angkla ang isinagawang paglagda ng MOA sa Administrative Order No. 2020-12 kung saan itinatakda ang pagsasaayos ng mga heavily-silted river channels sa naturang probinsya.
Layunin ng gawain na bigyang solusyon ang mga pagbaha sa pamaamgitan ng pagpapalalim ng mabababaw na ilog sa lalawigan na kalimitang umaapaw sa tuwing magkakaroon ng malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan.
Ang proseso ng pagpapalalim o desiltation ay nakatutulong upang bumalik ang natural na kapasidad ng mga ilog sa dumadaloy na tubig dito.
Ang tatlong nabanggit na nga kumpanya na lumagda ay ang R.V Laborte Builders; P.E.R.R.C Construction and Development Corporation, at Bluemax Tradelink, Incorporated.
Dumalo at nagsilbing saksi sa naturang gawain si Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano; Mines and Geosciences (MGB) MIMAROPA Regional Director Glenn Marcelo Noble, Environmental Management Bureau (EMB) MIMAROPA Regional Director Joe Amil Salino, at iba pang mga opisyales ng DENR MIMAROPA. (JJGS/PIA MIMAROPA)
Detalye at larawan mula sa DENR Mimaropa page.