LUCENA CITY (PIA) — Magkatuwang na tinutugunan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region IV-A at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang problema sa sira-sirang kalsada mula sa bayan ng Pagbilao hanggang Calauag na bahagi ng Maharlika Highway.
Sa isang pulong kamakailan, tinalakay nina Project Engr. Roland John Bongat ng DPWH IV-A at Quezon Governor Angelina Tan ang kasalukuyang mga hakbang upang matugunan ang problema ng lubak-lubak na lansangan, na nagdudulot ng abala at panganib sa mga motorista.
Kasama ang contractor na si Engr. Aris Ricardo, inilahad ni Bongat ang estado ng road improvement projects sa lalawigan, partikular ang pagsasaayos ng kalsada mula Barangay Malicboy sa Pagbilao hanggang Calauag.
Ayon kay Bongat, sinimulan na ang road reblocking sa mga sira at lubak-lubak na bahagi ng lansangan. Kasabay nito, nagsasagawa rin ng temporary asphalt patching sa ilang bahagi ng kalsada, lalo na sa Malicboy, upang matiyak na ito ay madadaanan pa rin ng mga sasakyan.
Ipinaliwanag niya na ang mga proyekto ay isinasagawa nang paunti-unti o “intermittent” dahil may mga kalsadang hindi pa nabibigyan ng sapat na pondo. Gayunpaman, tiniyak niyang sisikapin nilang mabigyan ng agarang solusyon ang mga kalsadang nangangailangan ng aksyon.
Hinimok naman ni Governor Tan ang DPWH na pabilisin ang pagsasaayos ng mga kalsada, lalo na’t nagdudulot na ito ng panganib sa kaligtasan ng mga biyahero.
“Hangad natin na maisaayos ang bawat daan at magkaroon ng sapat na pondo upang maibsan ang hirap na nararanasan ng mga motorista, lalo na ang mga Quezonian,” ani Gov. Tan.
Inaasahang magdudulot ng ginhawa ang mga hakbang na ito sa mga motorista at mamamayan ng Quezon, alinsunod sa layunin ng DPWH IV-A na mabigyan ang lalawigan ng maayos at ligtas na daan. (Ruel Orinday – PIA Quezon)