BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) – Tinututukan ngayon ng Provincial Health Office ng Nueva Vizcaya ang pagsugpo sa posibleng pagkalat ng sakit na dengue sa lalawigan matapos ang sunod-sunod na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Ayon kay Dr. Anthony Cortez, provincial health officer, nakahanda na nilang ilunsad ng mas maaga ang Dengue Prevention and Control program sa lalawigan.
Sinabi ni Cortez na tutukan ng kanilang kampanya kontra dengue ang mga bayan at barangay na nagkaroon ng maraming kaso noong nakaraang taon upang mapigilan ang muling pagtaas ng kaso sa mga lugar na ito.
Dagdag pa ni Cortez malaki ang ambag ng mga mamamayan sa pagsugpo sa dengue kaya kailangan silang mabigyna ng sapat na kaalaman kung papaano ito maiwasan.
“May mga nakahanda na kaming gamit upang maibigay ito sa mga mamamayan at sila na ang magsasagawa ng anti-dengue spraying sa kanilang mga tahanan upang mapigilan ang pagdami ng mga lamok na sanhi ng dengue,” pahayag pa ni Cortez.
Sa nakaraang taon, pumalo sa 4,760 ang naitalang dengue cases sa lalawigan at 13 ang namatay dahil dito.
Ang distribusyon ng mga dengue cases noong nakaraang taon ay ang mga sumusunod: Bayombong – 691, Kasibu – 597, Solano – 556, Aritao – 444, Bambang – 425, Alfonso Castaneda – 370, Villaverde – 273, Diadi – 270, Quezon – 225, Sta. Fe – 208, Bagabag – 173, Kayapa – 138, Dupax del Norte – 138, Dupax del Sur – 132 at Ambaguio – 120. (OTB/BME/PIA NVizcaya)